PINALAKOL na ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon noong Miyerkules nang ihayag ng Pangulo na may duda siyang may nangyayaring kurapsiyon sa ahensiya. Higit daw na ikinagalit ni Mano Digong kung kaya sinibak ang paboritong Marine officer ay ang pagsuway nito sa kanyang utos na itigil ang pagpapalaya sa mga heinous crime convict alinsunod sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa kanyang pagpalakol kay Faeldon, iniutos din niya ang muling pag-aresto sa may 1,700 heinous criminals na pinakawalan sa bisa ng GCTA law. Tanong: Puwede pa bang arestuhin silang muli eh pinalaya na sila alinsunod sa batas ng GCTA?
Binigyan sila ni PRRD ng 15 araw para sumuko at magparehistro sa BuCor. Kung hindi sila susuko, sila ay ituturing na mga pugante at darakpin ‘dead or alive.’ Ganito lang ba kasimple ang direktiba at ganito rin ba kasimple ang muling pag-aresto sa 1,700 heinous crime convicts? Baka marami sa kanila ang tumakbo na sa ibang bansa o kaya naman ay nagpalit na ng mga mukha.
Samantala, ipinagtanggol ni PDu30 si presidential spokesman Salvador Panelo sa umano’y pagri-refer o pag-eendorso sa request for executive clemency ng pamilya ni rapist-murderer ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez. Wala raw siyang nakikitang mali o ilegal sa ginawa ng kanyang tagapagsalita dahil ni-refer lang nito ang sulat ng asawa ni Sanchez sa Board of Parole and Pardon (BPP).
Ipinahiwatig ni PRRD na hindi na niya bibigyan ng bagong puwesto sa gobyerno ang paboritong Marine officer. Nailipat na niya si Faeldon nang dalawang beses matapos tanggalin sa Bureau of Customs bunsod ng kontrobersiyal na smuggling ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon. Inilipat siya sa Office of Civil Defense noon at pagkatapos ay bilang hepe ng BuCor.
Tungkol sa pagkakasangkot ng iba pang opisyal o kawani ng BuCor sa isyu ng GCTA, ipababahala ito ng Pangulo sa Office of the Ombudsman. Hinggil sa pag-aresto sa 1,700 presyo, magkakaloob ang Pangulo ng tig-P1 milyon sa ikadarakip nila. Tumataginting na P1.7 bilyon ito na pera ng bayan.
Samantala, sinabi ni Senate Pres. Tito Sotto na isang “organisadong grupo” ang nasa likod ng pagri-release sa 1,700 heinous crime convicts kapalit ng milyun-milyon o bilyun-bilyong piso. Ayon sa kanya, kukumpirmahin nila kung may ganito ngang grupo o sindikato sa BuCor. Aalamin din nila ang pag-ambush at pagkamatay ni BuCor records official Ruperto Traya Jr. kaugnay ng paglaya ng high-profile inmates at convicted Chinese drug lord/ traffickers mula sa New Bilibid Prison. Hawak ni Traya ang mga record.
oOo
Tungkol naman sa ibang isyu na may kinalaman sa “third sex” o ng kontrobersiyal na Sexual Orientation Gender Identity and Expression (SOGIE) Bill, tandisang sinabi ni Sotto na mahirap itong makapasa sa Senado. Ganito ang kanyang pahayag: “I hate to say it but I have to: if you are a man, you will never be a woman. No matter what you do, because you cannot reproduce, you cannot give birth. You do not have ovaries, you will never be a woman.” Tumpak ka dyan Tito Sen, mananatili silang may lawit at may dalawang balls.
-Bert de Guzman