ISANG malaking panalo para sa University of Perpetual Help ang naitala nila sa Group C ng 2019 Spikers’ Turf Open Conference matapos gapiin ang Hachiran-Far Eastern University ,26-24, 23-25, 25-21, 25-23.
Hindi nakalaro sa Tamaraws ang mga FEU key players na sina Jude Garcia at Owen Suarez na kasalukuyang nasa South Korea kasama ng Cignal HD Spikers
“Malaking exposure ‘to sa team namin in preparation for the NCAA kasi we’re the defending champions so napakalaki ng FEU, ‘di ‘yan basta basta na team,” pahayag ni Perpetual coach Sammy Acaylar. “First runner-up ‘yan sa UAAP, alam mo naman ang UAAP mga malalakas na team. Happy ako kasi it’s a great exposure sa team namin.”
Nag step-up sina Altas rookies Kennry Malinis at Hero Austria na nagposte ng 19 at 13 puntos ayon sa pagkakasunod katuwang si setter EJ Casana na nagtala ng 27 excellent sets upang iangat ang UPHSD sa ikalawang sunod nilang panalo.
Nanguna sa nabigong FEU si team captain JP Bugaoan na may 16 puntos kasunod sina Mark Calado at Peter Quiel na may tig- 14 puntos.
Sa iba pang laro, bumawi mula sa kabiguan nila sa Arellano noong Linggo ang University of Santo Tomas Tiger Spikers makaraang padapain ang Mapua University, 25-22, 22-25, 25-14, 25-23.
“They’re getting used to the court already, nagje-jell na. We joined this tournament for the rookies,” pahayag ni UST coach Odjie Mamon.
Si UST rookie Lorenz Señoron ang namuno para sa nasabing tagumpay sa itinala nyang 19 puntos mula sa 14 hits, 4 na aces, at 1 block.
Nakabalikat nya sina Lorence Cruz na nagtala ng 23 excellent sets at Lester Sawal na may 17 excellent receptions at 10 digs.
Nanguna naman sa Mapua na bumagsak sa markang 0-2 si John San Andres na may 13 puntos.
Nagwagi rin ang Easytrip kontra Centro Escolar University Scorpions, 25-22, 25-18, 25-18 sa Group B.
Nanguna si Red Christensen sa panalo sa ipinoste nyang 13 puntos. Marivic Awitan