Pinaalalahanan ng isang opisyal ng San Lazaro Hospital ang publiko na walang katiyakang ligtas na sa leptospirosis bacteria ang mga taong lumusong sa baha, kahit wala silang sugat.
Inilabas ni Dr. Ferdinand de Guzman, tagapagsalita ng naturang pagamutan, ang babala, kasabay nang malawakang pag-ulan at mga pagbaha sa bansa na bunsod nang magkasunod na pananalasa ng bagyong ‘Ineng’ at ‘Jenny’.
Ipinaliwanag ni de Guzman, kahit walang sugat ay maaari pa ring pasukin ng naturang bacteria ang balat sa sandaling lumusong sa kontaminadong tubig-baha.
Pinakamabisa pa rin aniyang paraan nang pag-iwas sa naturang karamdaman ay ang pag-iwas sa paglusong sa tubig-baha.
"Hindi kailangang sugat iyan, just cracks in the skin, dry skin, puwedeng pumasok ang maruming tubig na infected. So wash po, hygiene kaagad," ayon kay De Guzman.
Gayunman, kung hindi maiiwasang lumusong sa tubig-baha, maaari naman aniyang magsuot ng mga protective gear, gaya ng bota.
Sakali namang lumusong sa baha ng walang protective gear, dapat aniyang tiyaking maghuhugas mabuti ng paa, gamit ang sabon at malinis na tubig.
Dapat rin aniyang uminom kaagad ng doxycycline ang mga matatanda, may sugat man o wala, habang maaari namang uminom ng amoxicillin ang mga bata, sa loob ng isang linggo.
Pinayuhan din nito ang mga taong lumusong sa baha na makikitaan ng sintomas ng sakit na kaagad na kumonsulta sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.
Aniya, bukod sa dengue, na dumarami rin ang kaso kapag tag-ulan, ay tinututukan rin nila sa San Lazaro Hospital ang mga kaso ng leptospirosis.
Ang leptospirosis ay impeksiyong sanhi ng bakteryang nagmumula sa ihi ng hayop, gaya ng daga, na nahahalo sa tubig-baha, at maaaring magdulot ng kamatayan kung mapapabayaan.
-Mary Ann Santiago