TAPOS na ang boksing! May pasabi na mula sa Malacañang na hindi dapat palayain ang convicted rapist at murderer na si dating Mayor Antonio “Ala akong alam di—yann” Sanchez.
Sinabi ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga mamamahayag na dumalo sa paggunita ng National Heroes Day na ginanap sa Taguig City kamakalawa, na masusing pinag-aralan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang batas (Republic Act 10592) na pinagbasihan ng sumingaw na balita hinggil sa napipintong paglaya ng “bumait” na raw na dating manyak na mayor ng Calauan, Laguna.
Malinaw na hindi saklaw si Sanchez ng RA 10592 na nagpapaikli ng pagkakakulong ng mga preso dahil sa kanilang “good behavior” dahil convicted ito sa mga “heinous crime” na murder at rape.
Isa lang ang tawag ko sa pangyayaring ito – napaso ang mga nasa Palasyo sa matinding negatibong reaksyon mula sa mga mamamayan – sa social media at maging sa mga mamamahayag na sumubaybay noong dekada ‘90 sa sensational na kasong ito, kaya agad nilang pinag-aralan ang nasabing batas.
Ang nakita ko na sobrang napaso rito ay— sino pa nga ba, eh ‘di ‘yung dalawang magaling na opisyal na pinagmulan ng tsismis – sina Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon at Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra.
Mismong ang Pangulo pa kasi ang nagturo sa kanila na ‘di maaaring ma-release si Mayor “Ala akong alam di – yann” Sanchez, batay sa nasasaad na bahagi ng RA 10592 na ang mga nakulong sa heinous crimes ay hindi kasali rito.
Isama pa natin sa kanilang dalawa si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na nakiayon din sa palutang na balita na dapat lang lumaya ang “bumabait” na dating manyak na mayor, mahigit na 24 na taon makaraang gawin nito ang karimarimarin na krimen.
At ang biglang nagpasubong muling damdamin ng mga nananahimik nating kababayan kaugnay sa krimen na ito, ay nang malaman nilang makalalaya na ang manyak na si Mayor Sanchez dahil “mabait” at “reformed” na siya!
Para naman sa mga millennial na gustong malaman kung gaano ka-manyak si Sanchez at ang mga tauhan nito, at gaano katindi ang nagawa nitong krimen sa magkasintahan – halos kasing edad lamang ninyo noon—sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, kapwa estudyante sa University of the Philippines (UP) Los Baños, ganito yun:
Taong 1993, kasikatan ni Mayor Sanchez bilang isang kilalang gambling lord sa Laguna, kaya naging assignment ni Eileen na interbyuhin ito para sa isang artikulo na isusulat niya sa pahayagan sa UPLB.
Sinamahan si Eileen ng BF niyang si Allan sa pag-interview kay Mayor Sanchez na naging matagumpay naman. Kaso inutugan itong si Mayor kay Eileen na napakasimple at magandang estudyante. ‘Di nito pinalampas ang buong araw at ipinadukot niya ang magkasintahan sa kanyang anim na tauhan.
Dinala ang dalawa sa rest house ng mga Sanchez na ‘di kalayuan sa national highway at doon hinalay ng makailang ulit ng manyakis na mayor si Eileen, at nang magsawa ay ipinasa naman niya ito sa naglalaway na mga tauhan niyang nag-aabang sa loob ng kanilang van na nakaparada sa labas.
Kasama ng anim na tauhan ni Sanchez, ang walang magawa dahil nakatali ang BF na si Allan, sa buong oras nang paulit-ulit na panghahalay ng mga ito kay Eileen. Wala ng malay ang dalaga ay nagsalit-salitan pa rin ang mga hayok sa pag-rape rito.
Matapos magpasarap, atupang maitago ang krimen, pinatay nila ang magkasintahan at itinapon sa isang masukal na lugar. Makaraan ang ilang araw ay natagpuan ang mga bangkay– dito na nag-umpisa ang imbestigasyon na wari ko noon ay walang patutunguhan.
Ito ang dapat ninyong malaman— na ang kadayukdukan sa laman ng grupo ni Mayor Sanchez noong araw na iyon ay katumbas ng isang lata ng sardinas ng “semen” na nakuha ng mga medico legal nang i-autopsy nila ang bangkay ni Eileen.
Marami pang kuwento sa imbestigasyon na hindi lumabas – sabi kasi nila noon ay classified pa raw— ang aking isi-share sa inyo sa susunod na bahagi ng artikulong ito. ABANGAN!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.