MALALAMAN sa mga simpleng desisyon ng artista, lalo na ng young stars, kung malalim o mababaw silang tao.
Halimbawa, may kabataang artista na concentrated sa pakikipag-boyfriend o multiple love affairs samantalang may mangilan-ngilan namang patuloy na nililinang ang talino o kaalaman. Ang una, kuntento na sa kasalukuyang malaking kinikita at ang huli ay may foresight kaya ipinagpapatuloy ang pag-aaral.
Itong huling uri ang kapuri-puri sa pagtanggap sa katotohanan na hindi panghabang-buhay ang malakas na kita sa showbiz. Well, may mga artistang nagtatagal ang pagiging in demand, pero iilan lang sila. Karamihan, kawawa sa panahon ng paglubog ng araw.
Kaya agad hinangaan ng netizens, fans man o hindi, ang pagbabalik-aral ni Liza Soberano. Ipinost niya kamakailan ang picture niya kasama ang kanyang professor sa Southville International School (SIS). Ang kanyang caption, “What I like most about being a student is the joy of discovering new things and appreciating what the world has to offer. Glad to be back.”
Kumukuha si Liza ng BS Psychology sa ilalim ng INNOVE Education Solution program ng SIS.
Pangarap ni Liza na maging lawyer, pero enjoy rin siya sa karunungang natututuhan sa kanyang pre-law course.
“I wanted it to be my pre-law, but right now I’m kind of like more on the psychology side instead of the law side,” aniya.
Lalong hahangaan si Liza kung malalaman ng publiko na walong endorsements ang backlog niya, pero hindi ito naging hadlang para muling mag-enrol. Natambakan siya ng trabaho dahil sa matagal na pananatili sa US para sa operasyon ng daliring nabalian sa taping ng Bagani.
Bukod pa riyan ang bagong teleserye na pagbibidahan nila ni Enrique Gil.
Si Liza ang pinakamalakas kumita sa mga artista ngayon. Natupad na ang mga pinangarap niyang house and lots para sa kanyang pamilya rito sa Pilipinas at sa US. Sa kabila nito, hindi siya nagkakampante, batid niyang edukasyon o karunungan pa rin ang pinakamalaking puhunan ng sinuman.
-DINDO M. BALARES