Nanindigan si dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na imposible raw na makasuhan si Sen. Robin Padilla kaugnay sa pagtulong nito kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na makaiwas sa inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa huli.
Matatandaang isinapubliko ng pulisya noong Miyerkules, Mayo 20, 2026, ang CCTV footage kung saan mapapanood sina Padilla at Dela Rosa na sumakay sa isang Fortuner na puti na may plakang “DAV 1225” na nakarehistro sa naunang nabanggit na senador.
Base naman sa inilabas na press release ng opisina ni Padilla noong Biyernes, Mayo 22, mariin niyang pinabulaanang tinulungan niyang tumakas si Dela Rosa dahil nakisabay lang daw ang huli.
“Ang sabi ni Sen. Bato, sasabay na ko. Alangan naming tanggihan ko yun? Walang sasakyan si Sen. Bato dahil inihatid lang sya sa Senado ng sasakyan ni Senador Alan Peter Cayetano,” ani Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: 'Walang humarang sa amin!' Sen. Robin, mariing tinangging tinakas niya si Sen. Bato
Ayon naman sa naging pahayag ni Roque sa kaniyang Facebook post noon ding Biyernes, sinabi niyang imposible raw na krimen ang ginawa ni Padilla dahil wala naman daw kasong kinakaharap si Dela Rosa sa loob ng Pilipinas.
“Impossible crime: pano mananagot si Robin sa pagpapatakas kuno kay Bato eh wala naman kaso sa Pinas si Bato!” aniya.
Screenshot mula sa FB post ni Roque.
Samantala, matatandaang nauna na ring magbabala ni Department of Justice (DOJ) Sec. Fredderick Vida na may kapalit ang pagbibigay ng mga posibleng tumutulong kay Dela Rosa para makatakas at makapagtago sa mga awtoridad.
“Sa akin din pong pakiusap, those who might be aiding or abetting or helping Sen. Bato evade the law, there are consequences,” paalala ni Vida.
KAUGNAY NA BALITA: 'There are consequences!' DOJ, nagbabala sa mga tumutulong kay Sen. Bato