Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na handa ang poll body na makipag-ugnayan sa Office of the Ombudsman kaugnay ng isinampang kaso laban kay Sen. Rodante Marcoleta.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Mayo 23, 2026, iginiit ni Garcia na bagama’t naibasura na raw nila ang kasong iniuugnay kay Marcoleta, nakahanda pa rin silang makipag-ugnayan sa Ombudsman kung sakaling kailanganin ang kanilang tulog sa pag-usad ng kaso laban sa senador.
“Ready to help and coordinate ang Comelec with Ombudsman. Sa end ng COMELEC, [dismissed] na ang moto proprio investigation laban kay Sen. Marcoleta. With regards sa pag-revive ng kaso, hindi pa naiisip ng COMELEC. Wala rin naman daw kasing Motion for Reconsideration (MR) na natanggap ang poll body,” anang Coemelc Chairman.
Nauna nang naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Marcoleta kaugnay ng umano’y mga iregularidad at posibleng paglabag na may kaugnayan sa paggamit ng pondo at ilang transaksyon noong siya ay nasa serbisyo publiko pa bilang kongresista.
Ang plunder case ay isang mabigat na kasong kriminal na isinasaad sa ilalim ng Republic Act No. 7080 o ang Plunder Law. Maaaring maharap sa reklamong plunder ang isang opisyal ng gobyerno kung umano’y nakapagkamal ito ng ill-gotten wealth na aabot o lalampas sa ₱50 milyon sa pamamagitan ng serye ng ilegal o tiwaling gawain habang nasa puwesto.
Matatandaang nagsagawa noon ng motu proprio investigation ang Comelec laban kay Marcoleta, subalit kalaunan ay ibinasura rin ito ng komisyon.
Ayon kay Garcia, wala pang natatanggap na Motion for Reconsideration ang poll body kaya’t nananatiling sarado ang usapin sa panig ng Comelec sa kasalukuyan.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag si Marcoleta hinggil sa posibilidad ng muling pagbuhay sa kaso.