HINDI nagpatinag ang University of Santo Tomas sa palabang College of St. Benilde upang maitala ang ikalawang sunod nilang panalo sa pamamagitan ng pag-ungos sa huli, 21-25, 25-22, 25-19, 24-26, 15-12 kahapon sa Premier Volleyball League Season 3 Open Conference sa Filoil Flying V Center.

Apat na Tigresses ang tumapos na may double digit para kay coach Kungfu Reyes upang pamunuan ang nasabing panalo sa pangunguna ni Imee Hernandez na nagtala ng 20 puntos, 16 dito ay galing sa attacks at 3 mula sa blocks.

Sinundan siya nina Rachelle Roldan, Kecelyn Galdones at ang nagbabalik na si EJ Laure na nagsipagposte ng 17, 15 at 13 puntos ayon sa pagkakasunod.

Nagtapos namang topscorers para sa natalong Lady Blazers na bumaba sa patas na markang 1-1 si Klarissa Abriam na may 14 puntos kasunod si Gayle Pascual na may 13 puntos.

Romualdez sa Araw ng Kalayaan: 'Di lang pag-alala kundi pagprotekta rin sa kinabukasan'

Nauna rito, nakabawi sa natamong kabiguan sa una nilang laban ang Colegio de San Juan de Letran, 21-25, 21-25, 25-23, 25-8, 15-11.

Nagtala si Lady Red Spikers captain Cesca Racraquin ng game-high 27 puntos na kinabibilangan ng 21 attacks at 5 service aces bukod pa 18 excellent digs upang pamunuan ang panalo. Sinundan siya ni Kim Manzano na mag 16 puntos mula sa 12 attacks at 4 na blocks sa tulong ng kanilang playmaker na si Lynne Matias na nagtala ng 24 excellent sets.

Sanhi ng kabiguan, bumaba ang Lady Knights na pinamunuan ni Chamberlaigne Cunada na umiskor ng 22 puntos sa barahang 0-2.

-Marivic Awitan