May 23, 2026

Home BALITA National

'May kakayahan, matatag, patas!' SB-11, buo suporta kay Sen. Gatchalian—Sen. Pangilinan

'May kakayahan, matatag, patas!' SB-11, buo suporta kay Sen. Gatchalian—Sen. Pangilinan
Photo courtesy: Kiko Pangilinan (FB), Win Gatchalian (FB)

Inihayag sa publiko ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang solidong pagsuporta ng mga miyembro ng SB-11 o Solid Bloc 11 kay Sen. Sherwin “Win” Gatchalian para sa puwesto ng pagiging Senate President. 

Matatandaang kakapalit lang ng liderato sa Senado noong Mayo 11, 2026, nang matagumpay na maganap ang kudeta at mapalitan ni Sen. Alan Peter Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III. 

Noon namang Huwebes, Mayo 22, nauna nang ilahad ni Gatchalian sa publiko ang tila kahandaan daw niya sakali mang iluklok ng grupo nilang SB-11 bilang kasunod na Senate President. 

“Tingin ko marami naman na tayong natutunan sa Senado lalo na ang mga komplikadong committee. Kaya kung handa, handa talaga,” ani Gatchalian. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Gatchalian, 'handa' maging Senate president

National

‘Fake AI News Alert!’ PhilHealth, nilinaw na wala silang ipinamimigay cash ayuda

Ayon naman sa naging pahayag ni Pangilinan sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Mayo 23, inanunsyo niya sa publiko na gusto raw nila lahat sa SB-11 na maging Senate President si Gatchalian. 

“Gusto naming lahat na kabilang ng SB-11, o Solid Bloc 11, na maging Senate President si Senator Sherwin ‘Win’ Gatchalian,” pagsisimula niya. 

Ani Pangilinan, may napatunayan na raw si Gatchalian lalo na sa mga naging deliberasyon ng Senado sa 2026 national budget. 

“Napatunayan niya, lalo na sa mga deliberasyon para sa 2026 national budget, na kaya niyang protektahan ang pera ng bayan at matiyak na mapupunta ang pondo kung saan ito higit na kailangan,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Kung prinsipyo ang pag-uusapan, may kakayahan, matatag, at patas si Sen. Win.” 

Pagpapatuloy ni Pangilinan, kaya rin daw pagbuklurin ni Gatchalian ang mga miyembro at gawing reform-oriented ang Senado, maging ang mga kasalukuyang miyembro ngayon ng majority.

“Sa usaping praktikal, maaari niyang ipag-isa ng isang mas malawak, reform-oriented na Senado, na mas balanse, mas may pananagutan, at katanggap-tanggap kahit sa ilang miyembro ng kasalukuyang mayorya,” diin niya. 

Saad ni Pangilinan, napatitibay raw ng rekomendasyon nila ito ang tila pagpabor na rin noon ni Cayetano kay Gatchalian sakali mang manomina ito sa pagiging Senate President.

“Maging ang kasalukuyang Senate President na si Senator Cayetano ay nagsabi na maaari niyang iboto si Senator Win bilang SP,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang inilahad ni Sen. Erwin Tulfo na maaari daw matuloy ang muling kudeta sa Senado kapag may isang miyembro ng majority ang humakbang papunta sa kanilang minority dahil sa dikit na bilang na 11-12 matapos na hindi na makasama sa bilang si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin sa ambang kudeta: 'Isa lang humakbang d'yan, tapos ang boksing!'