Pansamantalang ipinagbawal ng mga awtoridad sa bahagi ng probinsya ng Ituri sa Republic of Congo ang pagsasagawa ng “funeral wakes” o lamay at mga pagtitipon dahil sa lumalalang Ebola outbreak sa rehiyon.
Ayon sa inilabas na ulat ng mga international news media outlet, partikular ng The Associated Press, nitong Sabado, Mayo 23, 2026, aabot sa 50 na indibidwal ang pinagbawalang magtipon sa naturang lugar para maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.
Base sa isinagawang press conference ng World Health Organization (WHO) at ni-live nila sa kanilang Facebook page noong Biyernes, Mayo 22, maituturing nang “very high” ang panganib ng pagkalat ng Ebola sa Congo, habang nananatili naman daw mababa ang posibilidad ng pagkalat ng naturang sakit sa buong mundo.
Ani WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, aabot na sa 82 cases ng Ebola at pito naman ang nakumpirma nilang nasawi sa Congo ngunit naniniwala silang “much larger” o mas marami pa ang bilang na apektado ng outbreak.
Anila, aabot na sa 750 cases ng mga indibidwal ang hinihinala nilang nadapuan ng Ebola virus habang 177 umano ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa naturang sakit.
Nananatili pa rin daw walang bakuna para sa Bundibugyo strain ng Ebola na apat na linggo nang nagsimulang kumalat sa probinsya ng Ituri sa Congo magmula nang may naitalang unang nasawi dahil dito.
Matatandaang nauna nang magbabala at mabahala ang WHO noong Mayo 19, 2026, matapos ang tila “scale and speed” ng Bundibugyo type Ebola outbreak sa bansang Congo, kung saan 134 ang naitalang suspected deaths at 500 naman ang suspected cases.
KAUGNAY NA BALITA: WHO, nababahala sa ‘scale and speed’ ng Ebola outbreak; 134 suspected deaths naitala