SA kanyang unang taon sa Arellano University at first round sa NCAA, hindi sinasayang ni Justin Arana ang ikalawang pagkakataong ibinigay sa kanya para sa collegiate career.
Bihirang magamit at kadalasan ay nababangko pa sa tatlong taong inilagi nya sa University of Santo Tomas, naging matibay na sandigan si Arana ng Chiefs sa kanilang kasalukuyang rebuilding process.
Namuno ang 6-foot-5 big man para sa Arellano sa ginawa nilang paggapi sa 2-time finalist Lyceum.
Tumapos si Arana na may 24 puntos, 11 rebounds at 3 blocks sa itinalang 87-81 panalo ng Chiefs kontra Pirates.
Dahil sa panalo, nakaahon sila sa kinasadlakang tatlong sunod na pagkatalo at naging susi upang mapili siyang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week.
Patunay lamang na ibinabalik ng first-year forward ang tiwalang ibinibigay sa kanya ng bago niyang koponan.
“We talk from time to time and I remind him na magaling talaga siya,” ani Arellano coach Cholo Martin. “He was consistent the whole week and today, nag-deliver ulit siya.”
Mas naging impresibo ang ipinakitang effort ni Arana matapos niyang malimitahan ang Cameroonian bruiser ng Pirates na si Mike Nzeusseu na hindi niya pinaiskor sa fourth quarter.
“Sobrang laking bagay sa akin ngayon ‘to kasi before sa UST, quality minutes lang ako. Binigyan ako ng kumpyansa ng Arellano and ng coach namin,” ani Arana, na tinalo sina San Beda forward Calvin Oftana at guard Evan Nelle kasama si San Sebastian hotshot Allyn Bulanadi para sa lingguhang citation.
“Kaya ko ni-grab ko lang talaga ang opportunity na ‘to para ibalik sa kanila yung pasasalamat ko na tinanggap nila ako.”
-Marivic Awitan