HINDI maganda ang mga tweet ni Mr. Amay Amon tungkol sa anak niyang singer na si Morissette Amon na naglayas sa bahay nila at sumamang magtanan o makipag-live in sa boyfriend nitong si Dave Lamar, isa ring singer.

Morissette at Dave

Napagod kaming basahin ang tweets ng daddy ni Morissette na para sa amin ay hindi maganda para sa karera ng anak. Kung may problema silang mag-ama, sana ay nag-usap sila in private at hindi sa social media.

May taong tumawag sa amin at labis na nag-aalala kay Morissette dahil ramdam nito kung gaano ka-devastated ang dalaga sa pinagsasabi ng ama.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Inamin sa amin ng taong tumawag na ayaw ipabanggit ang pangalan niya, na totoong umalis na ng bahay nila si Morissette dahil sa daddy niyang si Mr. Amay Amon.

Kuwento sa amin, “’Yung tatay ni Morissette ang may problema kasi the brother and the mom of Morissette naman were okay. Ang tunay na isyu, hindi matanggap nu’ng tatay na boyfriend ni Mowie (tawag sa singer) si Dave Lamar kasi hindi sikat.

“Hindi talaga magkasundo ang mag-ama dahil masama pa rin ang loob niya kasi nu’ng time na hindi pa siya sikat like nu’ng sumasali-sali palang siya sa singing contest, wala naman ‘yan, iniwan silang mag-iina. Tapos bumalik na lang nu’ng nakikilala na si Mowie sa ABS-CBN. Kaya sa tuwing may event, nasa picture na lagi ‘yang tatay.

“Lahat ng lakad ni Morissette sa ibang bansa isinasama niya family niya. Sariling pera ni Morissette ang pamasahe kasi hindi naman sila kasama sa entourage.

“I-check mo ang Instagram account ng tatay ni Morissette @Amay_Amon, kita mo mukhang binata, ‘di ba? Kasi buhay binata. Lahat ng vices hinihingi sa anak, mahilig mag-motor at sasakyan ni Morissette ang ginagamit ‘pag may mga personal siyang lakad.”

Klinaro rin ng aming kausap, “hindi totoong nagtanan o nag-live in dahil si Morissette ay nakatira ngayon kay Audie Gemora. Hindi siya nakipag-live in. Ewan ko sa tatay niya saan nakuha ang balita.”

Si Audie Gemora ay isa sa namamahala ng Stages, ang kumpanyang nangangasiwa ng career ni Morissette.

Isa pang dahilan kung bakit nanggagalaiti sa galit ang ama raw ng singer ay dahil pinutol na nito ang pagbibigay ng pera.

“Lahat ng naipon at napundar ni Morissette iniwan niya lahat sa magulang niya, malaking halaga iyon at nagpapagawa sila ng bahay, siguro naman kasya na ‘yun.

“Sa totoo lang, parang nagsisimula ulit mag-ipon si Morissette, good thing marami siyang gig, marami siyang invitations sa ibang bansa,” pahayag pa sa amin.

Tsinek namin ang IG account ng singer at totoong may mga out of the country show siya tulad sa Agosto 24, Sabado ay nasa Nathan Phillips Square 100 Queen Street West, Toronto, Canada para sa Mabuhay Philippines Festival 2019.

Sa Agosto 31 ay kabilang si Morissette sa tribute concert para kay National Artist at Ramon Magsaysay Awardee, Maestro Ryan Cayabyab na gaganapin sa The Theater at Solaire.

Sa darating na Setyembre 21 ay pararangalan naman si Morissette bilang Achiever of the Year in Extreme Vocals of NVP 1 World Entertainment na gaganapin sa Schiller Park, IL USA.

“Sana ‘yung tatay ni Morissette, nag-i-isip bago magsalita ng kung anu-ano kasi baka balikan siya sa mga pinagsasabi niya. Mabait si Morissette, maalaga sa magulang, pero ‘yung tatay sinisira lahat kasi walang alam kundi umasa sa anak. Wala namang work ang tatay, pero kung makaasta ‘di ba, parang binata,” kuwento sa amin ng aming source.

Nabanggit pa na isang dahilan kung bakit lumayas si Morissette ay, “alam ko pinagbuhatan ni Amay si Mowie.”

Nalungkot naman kami sa nangyaring ito kay Morissette dahil nakita namin kung paano siya nagsimula at anong hirap ang tiniis niya hanggang sa marating niya ang kinalalagyan niya ngayon.

Sayang naman kung sa ganito lang mauuwi ang lahat ng pinagpaguran nilang pamilya.

Sa daddy at mommy ni Morissette, bukas ang pahinang ito para sa inyo.

-REGGEE BONOAN