GINIBA ng Cignal ang Generika-Ayala, 25-15, 17-25, 25-18, 25-22, nitong Biyernes upang masungkit ang tiket sa semifinals ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Pinangunahan nina veteran players Rachel Anne Daquis at Jovelyn Gonzaga ang ratsada ng HD Spikers para muling makasampa sa Final Four ng liga.

“Nasa tamang timing ‘yung antas ng porma naming. Mula sa first round medyo struggle, pero ngayon maatas na yung confidence ng mga players,” sambit ni Daquis.

Hataw si Daquis ng 13 attacks at isang block habang bumanat naman si Gonzaga ng anim na attacks at apat na blocks.

Mentor era? John Amores, nagtuturo na ng 'shooting skills' sa aspiring players

“Yung pressure part ‘yan ng game pero kung paano mo ihandle yan pagdating sa game, may nabasa ako na kapag nape-pressure ka kailangan mo lang pakinggan yung breathing mo. Lahat tayo nape-pressure pero kung paano mo siya i-handle sa game dun ka mananalo,” aniya.

Nagrehistro ang Cignal ng 16 blocks kumpara sa limang nagawa ng Generika-Ayala.

Makakasagupa ng Cignal sa semis ang reigning champion Petron na nauna nang nagmartsa matapos itarak ang impresibong 25-18, 25-13, 25-11 panalo laban sa Marinerang Pilipina.

Lalaruin ang semis ng Blaze Spikers at HD Spikers sa Martes sa Muntinlupa Sports Center.