Nag-showdown sina Chloe Redondo ng Team Sarah Geronimo sa The Voice Teens Season 1 at Maria Laroco, X-Factor UK Grand Finalist – Top 6 under Simon Cowell sa S.M.A.C Pinoy Ito variety show na mapapanood ngayong araw, Sabado sa IBC 13 sa ganap na 4PM.
Hindi nagpakabog pagdating sa boses si Chloe kay Maria kahit na lumaban na siya sa ibang bansa at kitang-kita ang confidence ng una kaya pinalakpakan to the max ang dalawang biritera.
Kaya naman tuwang-tuwa ang cast ng S.M.A.C Pinoy Ito hosts dahil na-guest nila ang dalawa considering na mga ABS-CBN starts sila.
Sa pagkakaalam naman namin ay walang kontrata pa sina Chloe at Maria sa Kapamilya network kaya maski saang network ay puwede pa sila.
Maganda ang programang ito ng IBC 13 dahil sa 2 hours show ay hindi ka maiinip sa rami ng segments nila tulad ng The Icon (signature songs ng sikat na singers), Juan Danz: The Battle (dance contest), Aiana Covered (may 431K subscribers sa Youtube), Throwback music (lumang awiting pampakilig), Danz Royalties (mga sikat dancers na kabilang sa kilalang grupo noong araw), SMAC Circle of Artists Batch 6 (artista search), Pinoy Song Hits at Producers Cut (suhestiyon ng producer na gagawin ng artists).
Dahil may mga singers din naman sa SMAC artists ay natanong kung hindi ba sila nababahala na may mga gine-guest silang magagaling na singers tulad nina Chloe at Maria.
“Hindi po, masaya nga kasi malaking karangalan po sa show namin na makapag-guest kami ng sikat at malalaking artista,”sabi ng lead hosts ng programa na sina Rish Ramos (Ms Silka Bulacan 2018) at Justin Lee.
Kasama rin nina Rish at Justin sina Mateo San Juan (PMPC Star Awards Best New Male Movie Actor), Miko Juarez (Pinoy Boyband top 12 finalist), Aiana Juarez (Youtube sensation), Gabriel Umali (Pinoy Boyband top 25), Rojean Delos Reyes (Social media influencer) at Isaiah Tiglao (Pinoy Boyband top 20).
Nabanggit namin na puro pala galing sa ABS-CBN reality shows ang ilang hosts ng S.M.A.C Pinoy Ito kaya pala sanay na silang humarap sa kamera at hindi mga baguhan lang.
Kung tutuusin pala sina Justin at Mateo ang orihinal na produkto ng SMAC at loyalista dahil ni minsan ay hindi nila naisip na lumipat ng ibang management.
At ang maganda dahil napapansin na ang dalawa, may alok sa kanila ang ABS-CBN na supporting role sa bagong serye na hindi pa binanggit nina Justin at Mateo.
“Nasabi po ng management namin na may alok nga po, so hanggang doon palang ang masasabi namin para hindi maunsiyami,”duet na sabi nina Justin at Mateo.
Hindi naman itinago nang magkaibigan ang kanilang tuwa dahil pinangarap din nilang mapanood ang sarili kasama ng kanilang kaanak at mga kaibigan na mapasama sa ABS-CBN teleserye.
Sa tanong namin na paano kung alukin silang maging contract artists ng Kapamilya network, iiwan ba nila ang SMAC.
“Ay hindi po, usapan namin na magiging co-management po namin ang SMAC dahil kung hindi naman dahil sa SMAC, wala naman po kami sa lugar namin ngayon, lalo na po’t taga-probinsya kami. Sinugalan po kami kaya tumatanaw kami ng utang na loob,” tugon ng dalawa.
At dahil sila ang pinakamatagal na sa artists ng SMAC at hindi nila iniwan lalo na nu’ng nagkaroon ng problema ay may libreng board and lodging sila courtesy of management.
“Wala po kaming gagawin kundi pagbutihin namin ang craft namin at mag-aral ng bagong acting, ayusin ang mga sarili namin,”saad nila.
Sana nga raw ay maging successful sina Justin at Mateo at looking forward silang maka-trabaho ang lahat ng pinapangarap na artista.
“Sana makasama namin sina Liza Soberano at Kathryn Bernardo sa movie, sana lang,” napangiting sabi ng dalawang binata.
Why not, hindi naman masamang mangarap at libre ito.
-Reggee Bonoan