Pinabulaanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kumakalat na posts at videos na nagsasabing namamahagi sila ng cash ayuda o financial assistance.
Ayon sa advisory ng PhilHealth nitong Biyernes, Mayo 22, ang nasabing posts at videos na ito ay pawang “fake AI (artificial intelligence) news” lamang at pinayuhan ang publiko na mag-ingat sa mga ganitong klaseng content.
“Ang pagpapakalat ng maling balita ay punishable by law. Suriin nang mabuti ang nilalaman ng post bago i-share,” abiso pa ng PhilHealth.
Binanggit din ng PhilHealth na ang kanilang mga benepisyong pangkalusugan ay sumasaklaw sa mga serbisyo tulad ng pagpapa-ospital, emergency care, Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP), at Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT).
Sa kaugnay na ulat, ipinapaalala ng PhilHealth na maaaring ma-access ng mga miyembro ang kanilang account sa pamamagitan ng Member Portal at eGovPH Super App.