Habang isinusulat ang balitang ito, nasa malubhang kalagayan ang isang construction worker makaraang tagain ng kanyang kapitbahay na nagalit umano sa ginawang pagdaan ng biktima, habang ang huli ay nakikipag-inuman sa Malabon City, Linggo ng gabi.
Unang isinugod sa Ospital ng Malabon bago inilipat sa Tondo Medical Center si Ronnel Diwata, 25, may live-in partner, naninirahan sa Kadima Street, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod.
Nagtamo ito ng malalim na sugat sa likurang bahagi ng ulo matapos tagain ng suspek na si Renato Clante, 35, kapitbahay ng biktima.
Base sa imbestigasyon, dakong 9:00 ng gabi, naglalakad papauwi si Diwata sa kahabaan ng Kadima Street nang mapadaan ito sa grupo ng kalalakihan na nag-iinuman sa kalsada.
Ikinagalit umano ng suspek ang pagdaan ng biktima hanggang sa nagtalo ang dalawa.
Nagalit si Clante at kumuha umano ng jungle bolo saka tinaga si Diwata.
Matapos makita ng suspek na duguan na ang biktima, mabilis itong tumakas dala ang itak na ginamit sa pananaga, habang dinala naman ng mga naroroon sa nasabing pagamutan si Diwata.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide si Clante.
-Orly L. Barcala