Patay ang dalawa habang kritikal ang isa pa, na hinihinalang miyembro ng Batang City Jail (BCJ), matapos pagbabarilin ng mga hindi kilalang salarin sa loob ng isang barung-barong sa Tondo, Maynila kaninang madaling araw.
Kaagad na binawian ng buhay ang mga biktimang sina Herwin Tribidino, 19, ng Block 5, Extension 54, Baseco Compound, Port Area; at Allan Bautista, 19, helper, at residente ng Building 15, Temporary Housing, Aroma Compound, Tondo, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang under observation pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Reynaldo Delposo, 18, ng Block 11, Baseco Compound, Port Area, dahil sa tama ng bala sa likod.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), na dakong 4:00 ng madaling araw kasalukuyang mahimbing umanong natutulog ang mga biktima sa loob ng isang barung-barong sa Building 15, Temporary Housing, Aroma Compound, Tondo nang may kumatok umano sa pintuan.
Bumangon naman umano si Bautista at binuksan ang pintuan, ngunit bigla na la mang umanong pinaulaanan ng bala ang mga biktima, bago mabilis na tumakas ang salarin, kasama ang isa pang lalaki, na nagsilbi nitong lookout sa labas.
Bigo naman ang mga residente na makilala ang mga salarin dahil nakasuot umano ng face mask ang mga ito.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso para sa ikadarakip ng mga salarin.
-Mary Ann Santiago