Sinibak na sa puwesto ang anim na opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa Western Visayas kaugnay ng paglubog ng tatlong bangka sa pagitan ng Iloilo at Guimaras Strait, na ikinasawi ng 31 katao, kamakailan.

SINIBAK1

Ang kautusan ay nagmula mismo kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

Bukod kina PCG station commanders Perlita Cinco sa Iloilo at Joe Luviz Mercurio sa Guimaras, tinanggal din sa posisyon sina Chief Petty Officer Felixberto Salibio, Jr., at Seaman First Class 1 Ricky John Mijares, kapwa naka-duty nang maganap ang aksidente.

National

Usec Castro, binoldyak ni Maharlika sa 'pa-travel-travel lang' si VP Sara

Kabilang din sa inalis sa puwesto sina MARINA Regional Director for Western Visayas Rizal Victoria, Jose Vero, Jr., Bernardo Pollo, at Juliet Nacion.

Pagdidiin ni Tugade, layunin nito na maiwasang maimpluwensiyahan ng mga ito ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

"I want them immediately relieved from their posts so we can give way to a more thorough and impartial investigation. If they are found negligent, we will make sure that necessary criminal charges will be filed against them," sabi pa nito.

Nasa 31 ang nasawi sa nasabing trahedya na naganap sa Iloilo-Guimaras Strait, nitong Agosto 3 ng hapon.

Kaugnay nito, binigyan naman ng ayuda ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kamag-anak ng nasawi at nakaligtas sa nasabing trahedya.

Personal na ibinigay ng Pangulo ang financial assistance nang bumisita ito sa Iloilo City, nitong Miyerkules ng gabi.