Reclusion Perpetua o pagkabilanggo ng hanggang 40-taon ang ipinataw na kaparusahan ng hukuman laban sa isang army reservist na bumaril at nakapatay sa isang siklista sa isang road rage sa Quiapo, Manila noong 2016.
Sa desisyong inisyu ni Hon. Judge Albert Tenorio, ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 14 nitong Lunes, napatunayang nagkasala ng walang pag-aalinlangan si Vhon Martin Tanto, reservist ng Philippine Army, sa pagpatay sa biktimang si Mark Vincent Garalde.
Inatasan din ng hukuman si Tanto na bayaran ang pamilya ni Garalde ng P1.048 milyon bilang actual damages; P100,000 bilang civil indemnity; P100,000 bilang moral damages, at panibagong P100,000 bilang exemplary damages.
“All damages awarded shall be subject to the rate of six percent per annum from finality of this decision until its full satisfaction in line…,” bahagi ng desisyon ng hukuman.
Batay sa rekord ng hukuman, naganap ang insidente dakong 9:36 ng gabi, noong Hulyo 25, 2016 sa P. Casal Street sa Quiapo.
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa dahil sa away trapiko na nagresulta upang apat na ulit na barilin ni Tanto si Garalde habang papaalis na sana sa lugar.
Nadamay rin sa nabanggit na insidente si Rocel Bondoc, 18, na estudyante ng Unibersidad de Manila, at residente ng lugar, na tinamaan ng ligaw na bala, habang nagtatapon ng basura.
-Mary Ann Santiago