Binuksan na sa mga motorista ngayong Lunes ang 3.7-kilometrong Metro Manila Skyway mula sa Makati City hanggang sa Maynila.
Ang bagong bukas na bahagi ng elevated expressway ay nagsisimula sa Buendia sa Makati, hanggang sa Paco, Maynila, at lalabas sa Plaza Dilao Ramp.
Ilang oras bago ang ikaapat na State of Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, pinangunahan ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar ang pagbubukas ng bagong Skyway, bagamat dalawa pa lang sa anim na lanes nito ang magagamit ng mga motorista sa ngayon.
“To ease traffic congestion in Buendia, we are opening two lanes, one of the northbound and southbound section. The 3.7-km elevated highways expand from Buendia to Plaza Dilao,” ani Villar.
Ayon sa kalihim, pananatilihin ang maximum speed na 40 kph sa main viaduct, habang 20 kph naman sa mga rampa.
Sa ngayon, wala munang sisingiling toll fee sa bagong bukas na bahagi ng Skyway, na pansamantala ay hindi muna madadaanan ng mga truck, ayon kay Villar.
Samantala, bubuksan na rin bukas, Martes, ang isa pang bahagi ng elevated expressway sa Taguig City, ang 2.2-kilometrong segment ng C-5 Southlink Expressway na sumasaklaw sa SLEX/C5 Road patungo sa Merville sa Parañaque City.
-Betheena Kae Unite