Nagulantang ang mga residente ng Barangay San Isidro sa Talisay City, Cebu, nang mabungaran nila sa paggising ang isang lalaking umano’y holdaper na binigti sa isang tulay, kaninang umaga.
Ang biktimang nakilala ng pulisya na si Reynante Otero, 41, ay binigti umano ng mga hindi nakikilalang lalaki sa Mananga Bridge, dakong 3:00 ng madaling araw.
Ayon sa imbestigador, posibleng binaril muna si Otero bago ito binigti.
Narekober ng mga awtoridad sa bangkay ng biktima ang isang cardboard kung saan nakalagay ang, “ayaw ko ninyo sunda tulisan ko (‘Wag n’yo akong gayahin. Ako ay magnanakaw)
Binalot din ng damit ang mukha ni Otero habang nakababa naman ang pantalon nito.
Itinali rin ang kamay nito, gamit ang kanyang sinturon.
Kinumpirma ni Supt. Nazareno Emia, deputy chief ng Talisay City Police Station, ilang beses nang nakulong ang biktima sa kasong
robbery at illegal possession of firearms.
Sinabi naman ni barangay councilor Alicia Alcover, nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril, dakong 3:00 ng madaling araw.
Kinumpirma nito na si Otero ay kilalang holdaper sa lugar.
Kaagad na iniutos ni Talisay City Mayor Samsam Gullas, kay
city police chief, Police Maj. Orlando Carag na resolbahin ang kaso at hulihin ang mga suspek.
-Calvin D. Cordova