Dead on arrival sa ospital ang isang pulis nang barilin ng kapwa pulis matapos na yayaing sumayaw ang misis ng huli sa isang birthday party sa Bugallon, Pangasinan, nitong Sabado ng hapon.
Ang biktima ay kinilala ni Major Jake Isidro, hepe ng Bugallon Police Station, na si Police Chief Master Sergeant Reynaldo Estareja, may-asawa, nakatalaga sa nasabing presinto.
Kaagad namang naaresto ang suspek na kasamahan ng biktima na si Patrolman Franklyn Aquino, ng Bgy, Laguit Centro, ng nasabing bayan.
Sa paunang report ng pulisya, ang insidente ay naganap sa Sitio Baybay, Barangay Laguit Padilla, nitong Sabado, dakong 5:00 ng hapon.
Bago ang insidente, dumalo ang suspek, asawa nito at biktima sa birthday celebration sa lugar kung saan nagsabi ang biktima sa misis ni Aquino na kung maaari siyang isayaw.
Kaagad namang tumanggi ang asawa ng suspek kaya kaagad ding umalis ang biktima dahil umano sa pagkapahiya.
Nang makita ng suspek, kaagad itong nagpaputok ng baril kaya bumalik ang biktima sa lugar hanggang sa ito ay pagbabarilin.
Pitong basyo ng bala ng cal.9mm pistol ang narekober sa pinangyarihan ng insidente.
-Liezle Basa Iñigo