Ang panukalang 2020 national budget, panibagong reporma sa buwis, at muling pagbuhay sa death penalty ay kabilang sa mga panukala na inaasahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisasabatas sa 18th Congress.
Kabilang din sa mga prioridad at isusulong ng gobyerno na maipasa sa susunod na Kongreso ang panukala na lilikha ng mga kagawaran sa disaster resilience at para sa mga overseas Filipino workers (OFWs), ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“Our priority is to provide a comfortable life for Filipinos,” sinabi ni Panelo sa panayam ng BALITA ngayong Linggo, bago ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ng Presidente bukas.
Bukas opisyal na magsisimula ang 18th Congress.
“We have experienced the impact of a reenacted budget as a result of a budget impasse and we hope that this would not happen again,” sabi ni Panelo.
Una nang inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na isusumite nito sa ikalawang linggo ng Agosto ang panukalang P4.1 trilyon national budget para sa 2020, upang matiyak na maipapasa ito nang maaga.
Umapela rin si Panelo sa Kongreso na suportahan ang pagbabalik sa parusang kamatayan laban sa matitinding krimen, kaugnay na rin ng nagpapatuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Isinusulong din ng gobyerno, ayon kay Panelo, ang pagsasabatas sa mga bagong tax reforms para matiyak na mapapanatili ang kasalukuyang pag-alagwa ng ekonomiya.