Posibleng maging ganap na bagyo sa loob ng 48 oras ang namataang low pressure area o LPA, sa West Philippine Sea, ngayong Huwebes.
Sa abiso ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather specialist Ezra Bulquerin, huling namataan ngayong Huwebes ang LPA sa layong 250 kilometro sa kanluran-hilagang kanluran ng Sinait, Ilocos Sur.
Tatawagin itong 'Goring' kapag tuluyang naging bagyo.
Sa pagtaya ni Bulquerin, kahit maging bagyo ang nasabing LPA ay hindi ito magla-landfall sa anumang bahagi ng bansa.
Ayon sa kanya, patuloy pa ring makararanas ng pag-ulan ang Northern Luzon sa susunod na apat na araw, bunsod ng LPA, habagat (southwest monsoon) na pinaigting ng bagyong 'Falcon'.
Kaugnay nito, inaasahan naman ng PAGASA na lalabas na ng Philippine area of responsibility ang bagyong Falcon sa loob ng 24 oras, at wala na rin itong epekto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Huli itong namataan sa layong 385 kilometro hilaga-hilagang silangan ng Basco, Batanes, ngayong Huwebes.
Taglay pa nito ang hanging aabot sa 75 kilometers per hour (kph) at bugsong hanggang 90 kph.
Ito ay patuloy na kumikilos pahilaga sa bilis na 20 kph.
Nananatili pa ring nakataas sa Signal No. 1 ang Batanes.
-Ellalyn De Vera-Ruiz