Umakyat na sa 206 na pamilya, o katumbas ng 826 na indibidwal, mula sa siyam na barangay ang naapektuhan ng magnitude 5.5 na lindol sa Surigao del Sur, na tumama nitong nagdaang linggo.

BUMIGAY Bumagsak ang kisame ng Simbahang Katoliko na ito sa bayan ng Carmen sa Surigao del Sur, kasunod ng 5.5 magnitude na pagyanig sa lalawigan nitong Sabado.

BUMIGAY Bumagsak ang kisame ng Simbahang Katoliko na ito sa bayan ng Carmen sa Surigao del Sur, kasunod ng 5.5 magnitude na pagyanig sa lalawigan nitong Sabado.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, mula sa rehiyon ng CARAGA o sa mga bayan ng Carmen at Lanuza sa Surigao del Sur ang mga pamilyang naapektuhan.

Tumaas din sa 52 ang naitalang nasugatan, 43 sa mga ito ay out-patient habang apat naman ang nananatili sa Madrid District Hospital, tatlo ang sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City at ang dalawa ay ginagamot sa Lanuza Rural Unit at sa Surigao City.

Metro

Isko Moreno Domagoso, nanumpa na bilang bagong-halal na alkalde ng Maynila

Hindi pa rin madaanan ng malalaking sasakyan ang Surigao-Davao Coastal Road sa Sitio Nocot, Barangay Saca sa bayan ng Carrascal, dahil sa mga bumagsak na poste ng kuryente.

Kagyat namang nagpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga naapektuhan.

Umabot na sa 640 food packs ang naipadala sa mga apektadong pamilya sa Carmen na nagkakahalaga ng P163,000.

Samantala, nasundan pa ng dalawang mahihinang pagyanig sa lalawigan nitong Lunes, inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa tala, iniulat na 2.8 magnitude na lindol ang nairehistro bandang 7:13 ng umaga nitong Lunes. Ang epicenter ay natukoy 29 na kilometro (km) sa hilagang-silangan ng bayan ng Hinatuan, Surigao del Sur at may lalim na 16 km.

Una rito, dakong 1:52 ng madaling araw sa parehong araw, isang 2.7 magnitude na lindol pa ang naitala may 11 kilometro sa timog-kanluran ng kalapit na bayan ng Carrascal, at may lalim itong anim na kilometro.

-Beth Camia at Mike U. Crismundo