Dalawang pulis ang napatay sa 20-minutong pakikipagbakbakan sa mga hinihinalang rebelde sa Barangay Payak sa Bato, Camarines, ngayong Linggo ng madaling araw.
Dalawang matataas na kalibre ng rifles ang nasamsam mula sa isang hiwalay na engkuwentro sa mga hinihinalang tauhan ng New People’s Army sa Bgy. La Medalla sa Tinambac, sa Camarines Sur din, kaninang umaga.
Kinilala ni Major Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5 ang mga nasawi na sina Patrolman Prince Lagdameo at Master Sergeant Sotero Javier, kapwa operatiba ng 2nd Camarines Sur Police Mobile Force Company (CSPMFC).
Ayon kay Calubaquib, kasama ng dalawang pulis sa intelligence operations sa mga bayan ng Balatan at Bato ang dalawang platoon ng CSPMFC, sa pangunguna ni Captain Clarence Vincent Bacruya, at ang mga tropa ng 1st CSPMFC, 501st MC, Regional Mobile Force Batallion 5 (RMFB5) at Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Camarines Sur Police Provincial Office (CPPO), nang makaengkuwentro nila ang nasa 18 hinihinalang miyembro ng NPA.
Unang napaulat na nasugatan sa sagupaan sina Lagdameo at Javier at dinala sa Medical Mission Group Hospital sa Sta. Elena Baras sa Nabua, pero kapwa hindi na umabot nang buhay ang dalawa sa nasabing pagamutan.
Nagpapatuloy pa rin ang pagtugis sa mga rebelde habang isinusulat ang balitang ito.
Samantala, kinumpirma naman ni Major Anthony Aguilar, tagapagsalita ng 9ID, dalawang M16 rifles ang narekober sa limang-minutong bakbakan ng 10 hinihinalang NPA members at ng 83rd Infantry Brigade ng Philippine Army, kasama ang CPPO, bandang 2:45 ng umaga ngayong Linggo.
-Niño Luces