“NANLILIGAW pa rin po ako,” ito ang sagot ni Rayver Cruz sa tanong kung ano na ang estado nila ngayon ni Janine Gutierrez.

Rayver

Mabuti na lang at mabait at marespetong tao ang aktor kaya hindi na siya kinulit-kulit pa ng media na nakatsikahan niya sa mediacon ng bago niyang seryeng Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko, na mapapanood na sa Hulyo 22 kapalit ng serye ni Janine na Dragon Lady na magtatapos naman sa Hulyo 20.

Tanda namin ay ang Dragon Lady ang pumalit sa unang serye ni Rayver sa GMA 7 na Asawa Ko Karibal Ko.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Ayos ah, programa nina Rayver at Janine ang nagpapalitan sa timeslot na napapanood bago mag-Eat Bulaga?

Anyway, sa mediacon na ginanap nitong Lunes ay hindi nakarating si Megan Young dahil isinugod raw sa hospital nu’ng madaling araw. Nag-alala ang production staff at mga kasama niya sa Hanggang sa Dulo ng Buhay Ko kung anong nangyari.

Sabi ng aming source ay may ‘emergency’ ang aktres.

Base sa kuwentong nakuha namin, si Kris Bernal ay bestfriend ni Megan at siya ang gugulo sa buhay nilang mag-asawa ni Rayver.

Samantala, hanggang ngayon ay hinahanap-hanap pa rin ni Rayver ang ina na pumanaw noong Pebrero 2, dahil, aniya, kapag nagkakausap sila ng kuya niyang si Rodjun Cruz ay sinasabi nitong ‘ulila na tayo.’

Buong buhay ni Rayver ay hindi siya nawalay sa ina, hindi niya nasubukang mag-solo ng tirahan kaya hirap na hirap siyang mag-adjust na pagkagising niya ay hindi na makikita ang mahal na ina at hindi niya rin itinanggi na mama’s boy siya.

Mas lalo pang nalungkot ang aktor dahil kaarawan niya sa Hulyo 20 at ito ang unang beses na hindi niya makakasama ang ina, maging sa kasal nina Rodjun at Dianne Medina sa Disyembre 21 ay wala rin ang ina nila. Higit sa lahat, sa Pasko at Bagong Taon na taun-taon ay magkakasama silang mag-iina.

Mas lalong makakaramdam ng lungkot si Rayver kapag ikinasal na si Rodjun dahil maiiwan na lang siyang mag-isa sa bahay nila.

-REGGEE BONOAN