Agarang ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsibak sa hepe ng Lawton Police Community Precinct (PCP) matapos siyang makaapak ng dumi ng tao habang nag-iinspeksiyon sa bantayog ni Gat Andres Bonifacio, ngayong Miyerkules ng umaga.
Napa-“My Ghad!” na lang ang alkalde, at sinabi, “Kapag inaalat ka nga naman!”
Ito ay makaraang makaapak siya ng tae habang nag-iinspeksiyon sa Gat Andres Bonifacio Shrine, may ilang metro lang ang layo sa Manila City Hall dakong 9:00 ng umaga.
Sa tindi ng galit ng alkalde nang makitang maraming dumi ng tao sa paligid ng bantayog ng bayani, kaagad niyang pinatawagan kay Chief of Staff Cesar Chavez si Manila Police District (MPD) Director Gen. Vicente Danao Jr., at ipinag-utos na agarang sibakin sa puwesto si Lt. Rowel Robles, na nakakasakop sa naturang bantayog.
Ikinagalit ng alkalde na mistulang ginawa nang banyo ng mga pulubi ang bantayog, na isang pambababoy sa monumento ni Bonifacion, may 50 hakbang lang ang layo sa kanyang tanggapan.
Kaagad na rin niyang ipinag-utos na linisin ang lugar at pagbawalan ang mga pulubi na matulog doon.
“Siguro may mga 100 piraso ng tae ang nakita ko sa paligid,” narinig na sinabi ni Moreno habang kausap si Danao.
Kaugnay nito, ikinatuwa naman ng alkalde na nagkusa na ang mga vendors sa lugar na magbaklas ng mga itinayo nilang istruktura roon.
-Mary Ann Santiago