Nasa 35,000 ride-sharing drivers at operators sa bansa ang inaasahang makikibahagi sa unang “transport holiday” sa Lunes, sa patuloy na pagkontra ng sektor sa tinatawag nilang “pahirap policies” ng Land Transportation Franchising and Regulator Board.

#LABANTNVS Humarap sa press conference ngayong Huwebes, sa Quezon City Memorial Circle, ang iba’t ibang grupo ng TNVS upang ihayag ang ikakasa nilang unang “TNVS transport holiday” sa bansa sa Lunes, Hulyo 8, 2019. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

#LABANTNVS Humarap sa press conference ngayong Huwebes, sa Quezon City Memorial Circle, ang iba’t ibang grupo ng TNVS upang ihayag ang ikakasa nilang unang “TNVS transport holiday” sa bansa sa Lunes, Hulyo 8, 2019. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

Inihayag ngayong Huwebes ng mga kasapi ng TNVS (Transport Network Vehicle Service) Community sa isang press conference sa Quezon City, na pansamantala silang mag-o-offline sa Lunes, simula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi, para sa transport holiday.

Bukod sa offline, magtitipun-tipon din ang iba’t ibang grupo ng TNVS sa tatlong lugar ng protesta sa Quezon City, Maynila, at Pasay City, para magsagawa ng maghapong mga pagkilos at aktibidad.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

“This is not like the ordinary transport strike. Binibigyan po namin ng kalayaan ang bawat isang organization kung ano ang gagawin nila sa Monday. Some will have a vigil, some will have a caravan, others will be filing cases,” sabi ni Ariel Inton, ng Lawyers for Commuters's Safety and Protection (LCSP).

“This transport holiday ay hindi lang po sa kalye kundi sa lahat ng aspeto hanggang makarating po ang kanilang mga hinaing na tutulan na at tuldukan ang pahirap policy sa LTFRB,” sinabi ni Inton sa mga mamamahayag.

Sa panig ng mga TNVS providers, sinabi ni Ninoy Mopas, presidente ng grupo ng TNVS na Thug Philippines, na ayaw nilang mahirapan ang mga pasaherong maaapektuhan ng transport holiday, at tiniyak na magiging mapayapan at maayos ang kanilang protesta.

“Ayaw din namin maapektuhan ang riding public. Ginagawa po namin ito para maiparating ang aming mga hinaing. Hindi po ito isang marahas na pagkilos,” paglilinaw ni Mopas.

Noong nakaraang linggo, lumiham ang iba’t ibang grupo ng TNVS kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Transportation Secretary Arthur Tugade upang tulungan ang LTFRB sa pagresolba sa mga usaping kinahaharap ng ride-hailing market sa bansa.

Kabilang sa mga isyung binanggit ng grupo ang “demanding process” at “inconsistent requirements” ng LTFRB sa pag-a-apply ng prangkisa para sa mga ride-hailing car.

-Alexandria San Juan