Ibinasura ng Supreme Court (SC) en banc ang petisyong inihain ng grupo ng mga “donor” ng Kapa-Community Ministry International laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa iba pang ahensya ng pamahalan dahil sa pagpapatigil ng operasyon ng grupo.
Ito ang kinumpirma ni SC-Public Information Office chief Brian Keith Hosaka.
Paliwanag ng opisyal, ibinasura ang petisyon dahil naglalaman ito ng hindi makatotohanang isyu at walang probable cause.
Nitong Hunyo 20, dumuog sa Korte Suprema ang Rhema International Livelihood Foundation (cirfund) na binubuo ng mga Kapa donor upang hilngin ang pagpapatuloy ng religious operation ng Kapa.
Matatandaang nagpalabas ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng babala sa publiko laban sa Kapa noong Marso 2017 bukod pa ang inilbas nitong cease and desist order nitong nakaraang Pebrero 14.
Sinundan pa ito ng kautusang kanselado na ang kanilang rehistrasyon noong Abril 3, halos tatlong buwan bago ipag-utos ng pangulo ang pagpapasara sa organisasyon.
Noong Hunyo 4, nakakuha ng kautusan ang Anti-Money Laundering Council (AMLAC) mula sa Court of Appeals upang ipa-freeze ang asset ng Kapa.
Maliban sa muling pagbabalik ng operasyon, ipinitisyon din ng grupo ang pagmumulta ng P3 bilyon nina Duterte at SEC chairman Emilio Aquino dahil sa pagkakadawit ng Cirfund sa advisory noong Mayo 1, 2019 bilang isang“unregistered investment entities.”
Nais din ng grupo na ma-impeach si Pangulong Duterte.
Maliban kina Pangulong Duterte at Aquino na ikinunsidera bilang private respondents, pinangalanan din sa petisyon ang mga pinuno ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation, PNP Criminal Investigation and Detection Group, at media entities, katulad ng SunStar Cebu at Rappler, Inc. bilang public respondents. Ang Sunstar at Rappler ay parehong pribadong media organization.
-Beth Camia