May kilala ka bang corrupt sa gobyerno?

8888

Laman ng puso ni Sen. Go, 'tatak Duterte!'

Ilulunsad ng gobyerno ngayong Hulyo ang bagong TV program na “Digong 8888 Hotline” na tutugon sa mga reklamo ng publiko laban sa kurapsiyon at red tape.

Mapapanood tuwing Huwebes, simula sa Hulyo 11, sa ganap na 2:00 ng hapon, sa PTV 4, ang nasabing programa, kung saan direktang makapagsusumbong ang publiko laban sa  mga opisyal ng gobyerno o alinmang ahensiya ng pamahalaan, na nakaranas ng hindi maayos na pagtrato, mabagal na proseso o serbisyo, insidente ng katiwalian, at iba pang reklamo.

Maaari ring isumbong sa nasabing programa ang masusungit at tatamad-tamad na mga kawani o opisyal ng gobyerno, kahit ang patuloy na operasyon ng mga fixers sa alinmang tanggapan ng pamahalaan.

Sa bawat episode ng isang-oras na programa ay may isang opisyal ng gobyerno ang sasalang para direktang tumanggap ng mga tanong at sumbong mula sa mga manonood, para agaran ding maaksiyunan.

Inaasahang lalabas din sa ilang special episodes ng programa si Pangulong Duterte, pero personal na tumugon sa mga reklamo.

“Kung kayo’y inabuso, kung kayo’y pinagsamantalahan, kung may hindi kayo nagustuhan sa gobyerno, tumawag kayo, day and night at 'yung mga importanteng problema na nakikita ko, aksyunan ko kaagad,” anang Pangulo.

Magsisilbing host ng programa si Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, si Office of the Chief Presidential Council Assistant Secretary Kris Roman, at ang PTV host-anchor na si Trixie Jaafar.

-Beth Camia