SA paggabay ng panibagong mentor, magpapatuloy ang Emilio Aguinaldo College sa pag-abot ng kanilang pinakamimithing umabot ng Final Four ngayong darating na NCAA Season 95 men’s basketball tournament na magbubukas sa Linggo sa MOA Arena sa Pasay.

Kasamang nawala sa team ng mga key players nilang sina Juju Bautista, Jerome Garcia, at Hamadou Laminou ang dating coach na si Ariel Sison.

Ipinaubaya na ni Sison, ang coach ng Generals sa nakalipas na tatlong seasons ang paggabay sa koponan kay Oliver Bunyi, dating assistant sa Gilas Pilipinas 1.0, San Miguel Beermen sa ABL, at GlobalPort (NorthPort) sa PBA.

Hindi pa nakararanas na makatuntong ng semis ang Generals mula ng sumali sila sa liga noong 2009. Sasandigan ni Bunyi upang pangunahan ang kanilang kampanya ang mga sophomores na sina JP Maguliano at Jethro Mendoza.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“I’m very positive, but we’re not satisfied. I know that if we work together, there’s a possibility for us to win big games. I just expect my players to always give perfect effort “ ang optimistikong pahayag ni Bunyi.

Hindi nawawala ang pag-asa ng EAC na makamit na ang napakatagal na nilang hinahangad na semifinals spot.

Gayunman, hindi ipinangako ni Bunyi na ngayong Season 95 na mangyayari ang pinakakaasam ng Generals na makatuntong ng Final Four round dahil nagsisimula pa lamang aniya silang mag-rebuild.

“Our best might not be enough against the others’ best this season, but I believe we’ll eventually catch up with them,” ayon pa kay Bunyi.

-Marivic Awitan