MANILA, Philippines — Malinaw ang sigaw ng kabataang Pilipino: huwag higpitan ang social media!
Sa bagong pambansang survey ng Arkipelago Analytics, lumabas na 8 sa 10 kabataang Pinoy ang tutol sa anumang limitasyon sa social media, patunay na malaking bahagi ito ng kanilang araw-araw na buhay para sa komunikasyon, pagkuha ng impormasyon, at pakikilahok sa usaping publiko.
Photo courtesy: Arkipelago Analytics
Pero kasabay ng matinding pagtatanggol nila sa kalayaan online, bumungad din ang mas mabigat na katotohanan: dumadami ang problemang pinansyal at emosyonal na kinakaharap ng kabataang Pilipino.
Ayon sa survey, kalahati ng mga respondent ang nagsabing mas mababa na ang kanilang antas ng kaligayahan. Tatlong pangunahing problema ang nangingibabaw sa kanilang buhay ngayon — seguridad sa pagkain, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at matinding kalungkutan.
Hindi lamang iyan, lumitaw rin sa pag-aaral na 7 sa 10 kabataan ang hirap makabayad ng upa o mortgage, senyales ng lumalalang bigat ng mga pangunahing gastusin sa pamumuhay. Ibig sabihin, maraming kabataan ang hindi lang nag-aalala sa kinabukasan — pinoproblema na rin nila kung paano maitatawid ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Photo courtesy: Arkipelago Analytics
Kapansin-pansin din ang pagbabago sa personal na buhay ng kabataan. Sa survey, 4 lamang sa 10 respondent ang nagsabing sila ay kasalukuyang may relasyon. Posibleng sumasalamin ito sa epekto ng kawalang-katiyakan sa ekonomiya, pagbabago ng prayoridad, at lumalaking social isolation sa hanay ng kabataan.
Photo courtesy: Arkipelago Analytics
Ayon kay Anna Mae Lamentillo, founder ng Arkipelago Analytics, malinaw na may pinapakitang mas malalim na larawan ang mga resulta. Aniya, pinahahalagahan ng kabataan ang kalayaan sa pagpapahayag at koneksyon online, ngunit pasan din nila ang mabibigat na problemang pangkabuhayan at pangkaisipan. Para sa maraming kabataang Pilipino, ang mga hamon ay hindi raw malalabong isyu kundi mga problemang agarang nararamdaman — tulad ng pagbili ng pagkain, pagharap sa tumataas na presyo, at pakikibaka sa kalungkutan.
Isinagawa ang survey mula Pebrero 26 hanggang Marso 6, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,400 Pilipino mula sa buong bansa. Saklaw nito ang lahat ng 18 rehiyon, kabilang ang paghahati sa urban at rural clusters. Mayroon itong ±2% margin of error sa pambansang antas sa 96% confidence level, at ±5% margin of error naman sa bawat geographic area sa 95% confidence level.
Inihanay rin ang bigat ng datos sa pinakabagong voter registration figures ng COMELEC, na kumakatawan sa 68,618,667 rehistradong botante. Sa final weighted regional distribution, 11% ay mula sa National Capital Region, 45% mula sa Luzon na hindi kasama ang NCR, 20% mula sa Visayas, at 24% mula sa Mindanao. Sa usapin ng kasarian, itinugma rin ito sa datos ng COMELEC: 51% babae at 49% lalaki.
Batay naman sa antas ng kabuhayan, 7% ng mga respondent ay mula sa Class ABC, 75% sa Class D, at 18% sa Class E.
Photo courtesy: Arkipelago Analytics
Sa kabuuan, malinaw ang mensahe ng survey: gustong mapanatili ng kabataang Pinoy ang kanilang boses at espasyo online, pero sabay nilang pasan ang matinding bigat ng buhay offline. Sa gitna ng mahal na bilihin, problema sa tirahan, at paglala ng lungkot, lumalabas na kailangang mas tutukan ang abot-kayang pamumuhay, mental well-being, at social support para sa kabataang Pilipino sa 2026.