Inanunsiyo ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) na maaaring makuha sa parehong araw ng pagpoproseso ng postal ID sa branch nito sa Government Express Center sa 5th floor ng SM City Manila.
Sa isang Facebook post ng PHLPost kamakailan, sinabi nilang ang cut-off para sa same-day processing ay mula 11:00 a.m. hanggang 12:00 p.m.
Makukuha ang postal ID pagpatak ng 4:00 p.m mula Lunes hanggang Biyernes. Ngunit kung lumampas na sa itinakdang cut-off, kinabukasan na ito maibibigay.
Kinakailangang personal na tumungo ang aplikante sa tanggapan ng PHLPost upang isumite ang accomplishment form, isang valid proof ng pagkakakilanlan, at katunayan ng tirahan.
Narito ang listahan ng mga katunayan ng pagkakakilanlan na maaaring dalhin sa aplikasyon:
* Birth certificate na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA)
* National ID
* UMID
* Driver’s license
* Passport
* anomang government-issued ID na may kasamang picture at signature.
Samantala, para naman sa katibayan ng tirahan, maaaring utility bill ang dalhin, lease contract, o iba pang kagaya nito.