Aabot na sa 107 ang naghain ng reklamo sa pulisya matapos mabiktima ng isang investment scam sa Caraga region.
Ito ang pahayag ng 13th Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sinabing partikular na inireklamo ng mga ito ‘Forex’ o FRX Rice Trading.
Binanggit ng CIDG-Caraga na nagsimula silang dumagsa ang reklamo matapos marekober ang P23 milyon sa isang umano’y safehouse ng ‘Forex’ sa isang beach resort sa Buenavista, Agusan del Norte, nitong Hunyo 26.
Sa rekord ng pulisya, karamihan ng mga nagreklamo ay taga-Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Sur, Butuan City at Kidapawan City.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Police Regional Office-Region 13 director Brig. Gen. Gilberto Cruz, sa mga biktima na magtungo na lamang sa CIDG Caraga upang makapagsampa sila ng large scale estafa laban sa mga founder ng ‘Forex’.
“It’s high time to put an end of this investment scam and I want every victim to come and file their official complaint,” pahayag nito.
Umapela rin si Cruz sa publiko na makipagtulungan sa pulisya upang mahuli ang mga opisyal na nasa likod ng investment scam.
“Please come, and the CIDG will guide you in filing your complaint,” dagdag pa ng opisyal.
-Mike U. Crismundo