Isinailalim sa “full alert status” ang buong NCRPO kasunod ng suicide bombing attack sa loob ng isang kampo ng militar sa Indanan, Sulu nitong Biyernes, na ikinamatay ng walong katao, kabilang ang dalawang suspek.

Ipinatupad ang full alert status ganap na 6:00 ng gabi nitong Biyernes, nilinaw ni NCRPO Director Major General Guillermo Eleazar na wala naman banta ng terorismo sa Metro Manila.

“Although there are no threats detected within the National Capital Region but as a proactive means in response to this terror attack, the entire region is now placed under full alert status,” sabi ni Eleazar.

“Having this measure could mean of great help in deterring unscrupulous individuals in carrying out their illegal or terroristic acts…And so I highly encourage the public to remain alert and vigilant,” dagdag pa niya.

National

German, tiklo; nagpuslit ng higit ₱55M halaga ng shabu, itinago sa mga Bibliya!

Hinimok din ni Eleazar ang mamamayan na mag-report ng kahina-hinalang tao o insidente, sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, o sa pamamagitan ng kanilang hotline numbers na 0915-8888181 at 0999-9018181.

Matatandaang dalawang suicide bombers ang nagsagawa ng pag-atake sa kampo ng First Brigade Combat Team sa Barangay Tanjung Indanan nitong Biyernes ng tanghali, na ikinamatay ng anim na katao, habang 12 iba pa ang nasugatan, ayon kay Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang pampito at pangwalong nasawi sa insidente ay nabatid na kapwa umano suicide bombers, na iniuugnay sa Abu Sayyaf Group.

Ayon sa report, dalawang kahina-hinala ang ikinikilos at may dalang bag ang inimbitahan ng mga sundalo sa kampo para sa interogasyon.

Sa gitna ng imbestigasyon, habang binubuksan ang bag ng mga suspek, ay bigla itong sumabog, na kaagad na ikinasawi ng dalawang suspek, tatlong sundalo, isang bata, at dalawa pang sibilyan.

Kinukumpirma pa ng mga awtoridad kung mga kasapi nga ng Abu Sayyaf ang dalawang suicide bombers.

Bagamat walang seryosong banta ng terorismo sa NCR sa ngayon, may mga insidente na sa Metro Manila nagsasagawa ng retaliatory attacks ang mga terorista, kapag pinaiigting ng mga awtoridad ang pagtugis sa kanila sa Mindanao.

Kabilang sa mga halimbawa ang Rizal Day bombings noong 2000, na ikinasawi ng 22 katao, at ang Valentine’s Day bombings noong 2005, kung saan siyam naman ang napatay.

Fer Taboy at Aaron Recuenco