Pinawi kahapon ng Provincial Health Office (PHO) ng Masbate ang pangamba ng publiko kaugnay ng umano’y pagkamatay ng isang batang babae sa sakit na meningococcemia, kamakailan.
Pagdidiin ni Masbate Provincial Health office Acting chief, Dr. Oscar Acuesta, hindi pa nakumpirma na namatay sa nasabing sakit ang isang 6-anyos na babae habang ito ay ginagamot sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH), nitong Hunyo 25.
Reaksyon ito ni Acuesta sa viral na social media post kung saan tinukoy ang pagkamatay ng nasabing bata sa nabanggit na sakit.
Paliwanag nito, isa lamang “isolated case” ang pagkasawi ng nasabing menor de edad.
"The suspected case of meningococcemia in the province of Masbate is not yet confirmed. It is an isolated case. No significant travel and trade restriction," aniya.
Nagpapatupad na aniya sila ng preventive measures mula pa nitong Hunyo 26 at binigyan na rin nila ng prophylaxis ang mga taong nakasalamuha ng nasabing bata.
"Classrooms, residents of the patient and hospital were already fumigated to prevent the spread," paglilinaw nito.
Matatandaang naalarma ang mga residente sa naturang lungsod at karamihan sa mga ito ay bumili na ng face mask sa pangambang kumalat ang naturang sakit.
Paliwanag naman ni BRTTH director Dr. Rogelio Rivera, na-admit sa nasabing pagamutan ang nasabing pasyente noong Hunyo 25 at binawian din ng buhay sa nabanggit ding petsa.
Kinukumpirma pa aniya nila kung nasawi sa nabanggit na sakit ang bata.
"Kailangan pa ma-confirm thru blood culture, but clinically meningococcemia. Awaiting pa po tayo ng result from Research Institute for Tropical Medicine (RITM)," sabi pa nito.
Samantala, kinumpirma naman ni Mayflor Jumamil ng Department of Education (DepEd)-Bicol, na sinuspinde na ang klase sa tatlong section ng Grade 1, gayundin ang
kindergarten ng Emilio Borro Elementary School sa Cataingan sa Masbate dahil sa meningoccocemia.
"Yung grade 1 classes and kinder lang po suspended, while the rest regular ang klase. Wala pa naman pong confirmation na meningo. ‘Yung measure ay ginawa lang as precautionary measures in coordination with the local health unit (LHU) po of Masbate,” paliwanag pa nito.
Naunang naiulat na nag-aaral sa nasabing paaralan ang nasawing pasyente.
-Nino N. Luces