Hindi pumabor si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima sa naging tugon ng Defense team ni Vice President Sara Duterte na sakop umano ng freedom of speech ng huli ang tila naging pagbabanta niya noon kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at iba pa.
Sa naging tugon kasi ng kampo ni VP Sara kaugnay sa naturang isyu na nakapetsa noong Mayo 25, 2026, dinepensa nilang wala naman daw nagpapatunay na aktuwal na nakipag-ugnayan si VP Sara sa mga assassin para ipapatay ang Pangulo, sina First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker na si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Dahil dito, inihayag naman ni De Lima sa isinagawa nilang press conference nitong Lunes, Hunyo 29, malaki raw ang magiging epekto kung papayagang hindi maipresenta ang mga ebidensya ng pagbabanta ni VP Sara sa buhay ng Pangulo at iba pang nabanggit na nakasaad Article IV ng Articles of Impeachment.
“Paano ‘yan? Anyone can just be blurting out all of those threatening words and remarks from a high official and that high official… it happens to be the second highest official of the land,” diin niya.
Ani De Lima, karapatan din daw ng Prosecution team na ilatag ang kanilang mga ebidensya na magpapatunay sa seryosong pagbabanta ni VP Sara sa pinakamataas na opisyal ng bansa at para na rin daw maintindihan ito ng publiko.
“Karapatan din ng Prosecution na ilatag ‘yong mga ebidensya, i-prove ‘yong punto na ‘yan. Trial po tayo so kailangan payagan ang pagpresenta ng mga evidence para ilatag ‘yong facts for the consideration of the Impeachment Court para malaman, makita, marinig ng sambayanang Pilipino,” aniya.
“So that’s merely procedural na naman ‘yan, technicality na naman ‘yan even if they’re raising such freedom of expression. Again, karapatan ng prosecution to prove its case against the Vice President,” pagtatapos pa niya.
Dagdag naman ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, premature daw na maituturing kung ikokonsidera ng Impeachment Court ang sinasabi ng kampo ni VP Sara at dapat daw talaga na humarap muna sa Korte ang Bise Presidente para magpaliwanag sa mga alegasyon laban sa kaniya.
“Tingin ko, premature na i-consider ng Impeachment Court ‘yang sinasabi ng Depensa na ‘yan. Pero para sa akin, dapat ihaharap muna si Bise Presidente at dapat manggaling mismo sa bibig niya sa harapan ng Court kung ano ‘yong nasa isip niya noong sinabi niya ‘yong mga salitang iyon,” ani Diokno.
“Dapat din na bigyan kami ng karapatan na i-cross-examine siya doon sa sinasabi nga niyang claims. Kung anoman ‘yon, kung freedom of speech o kung meron pa siyang ibang mga paliwanag,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ni VP Sara kaugnay rito.
Nakatakda namang magsimula ang Senate Impeachment Trial laban kay VP Sara sa darating na Lunes, Hunyo 6, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Pagiging totoo o 'di totoo ni 'Mary Grace Piattos,' smoking gun sa impeachment—Ridon