Itinuturing umano na “smoking gun” o matibay na ebidensya ang pagharap ni “Mary Grace Piattos” sa panig ng House prosecution panel sa magiging impeachment trial ng Senado laban kay Vice President Sara Duterte.
Nakalista kasi ang pangalang “Mary Grace Piattos” sa mga testigo ng House prosecution panel na haharap sa nakatakdang impeachment trial laban kay VP Sara simula sa darating Hulyo 6, 2026.
Sa kabila ito ng nauna nang inilabas na tala ng Philippines Statistic Authority (PSA) noong Disyembre 2024 na wala raw anomang civil registry records ang may kaugnayan sa pangalang “Mary Grace Piattos.”
Sa naging pahayag naman ng miyembro ng House prosecution panel na si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon nitong Huwebes, Hunyo 25, sinabi niyang magiging mahalagang aspeto raw si Mary Grace Piattos bilang naging sentro ng kontrobersya sa paggamit ni VP Sara ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) noon.
“Mahalaga ‘yong ‘Mary Grace Piattos’ kasi nasa sentro siya noong kontrobersiya noong paggamit ng confidential funds. Yong existence o non-existence ni Mary Grace Piattos ‘yong smoking gun kung talaga nga bang tama o mali ‘yong paggamit ng confidential funds,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Going back to the COA report, marami doon ay obviously hindi tamang paggamit ng confidential funds. Kaya nga each and every year na merong confidential funds ang Pangalawang Pangulo, may mga pinapasuli na mga pera sa kaban ng bayan.”
Pagpapatuloy ni Ridon, ang paglitaw ni Mary Grace Piattos sa impeachment trial ang bagay na dapat hintayin ng publiko sa darating na mga linggo.
“That is something that we will have to see in the next couple of weeks… Abangan natin on how the Prosecution actually undertook this particular aspect of the proceedings,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang opisyal na kumpirmasyong nagpapatotoo sa katauhan ni Mary Grace Piattos mula sa PSA at hindi pa rin naglalabas ng pahayag si VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'We are not struggling!' Rep. Luistro, dumepensa sa isyung 'di handa' sa pre-trial
KAUGNAY NA BALITA: 'Walang maisagot, iniiwasang sumagot!' Rep. Zia Adiong, tinira kampo ni VP Sara!