NANAWAGAN ang mga opisyal ng Eastern Visayas (Region 8) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na paigtingin ang mga hakbangin sa pangangalaga sa mga pawikan sa Southern Leyte, matapos lumabas ang mga ulat na madalas na nangingitlog ng mga pawikan sa ilang baybaying komunidad sa lalawigan sa nakalipas dalawang taon.
Sa pulong nitong Martes, sinabi ni Department of Tourism (DoT) Regional Director Karina Rosa Tiopes na isang dive resort sa Padre Burgos, Southern Leyte ang nagtangkang protektahan ang mga itlog ng mga pawikan, ngunit bigo ito dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman.
“They want to help, but they don’t know what to do. They placed the eggs inside styrofoam to shield them from humans and predators, but the survival rate was low. Personnel from the DENR just handed them a certificate instead of training them,” pagbabahagi ni Tiopes sa mga opisyal ng DENR.
May 90 porsiyentong tiyansa na mabuhay ang mga itlog na hindi nagalaw ng tao o ibang hayop, habang nasa 25 porsiyento lamang o mas mababa pa ang success rate kung nagambala ito ng mga tao, ayon sa mga eksperto.
“They were told not to touch the eggs and the hatchlings, but sometimes they have to do it to protect them from birds and when they saw them crossing the highway. They need help and they cannot just watch these nature’s treasure die,” dagdag ni Tiopes.
Pagbabahagi ni DENR Eastern Visayas Regional Director Crizaldy Barcelo, nagbibigay na sila ng tulong sa mga komunidad na kinilala bilang mga marine turtle conservation sites.
“We have been implementing conservation projects in the area such as habitat surveys, information drive, rescue and rehabilitation, capacity building, and establishment of partnerships,” tugon ni Barcelo sa mga opisyal.
May dalawang species ng pawikan o marine turtles ang matatagpuan sa mga barangay ng Sta. Sophia at Tangkaan sa Padre Burgos, Southern Leyte. Ang green turtle at hawksbill turtle.
Nagkapagtala ang DENR ng tatlong pagkakataon ng pangingitlog ng mga pawikan sa dalawang komunidad simula noong 2017. Nitong Hunyo 6 lang, nasa 200 itlog ng mga pawikan ang natagpuan sa Tangkaan.
Ayon naman kay Department of Science and Technology Regional Director Edgardo Esperancilla, dapat gayahin ng DENR ang magandang paraan na ginagawa ng ibang mga marine turtle conservation sites sa bansa, tulad ng Pink Island sa Zamboanga at Pawikan Conservation Center sa Bataan.
PNA