PORMAL na nagdeklara ng pakikidigma laban sa mga dumi sa karagatan ang mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAB) nitong Sabado.

Kabilang si Pangulong Duterte sa mga lider na dumalo para sa 34th ASEAN Summit sa Bangkok, Thailand, na nagtapos nitong Linggo.

Sa isang pinagkasunduang pahayag, na kilala ngayon bilang Bangkok Declaration on Combatting Marine Debris in ASEAN Region, nangako ang mga lider ng rehiyon “[to] strengthen actions at the national level, as well as through collaborative actions among the ASEAN Member States and partners to prevent and significantly reduce marine debris, particularly from land-based activities, including environmentally sound management.”

Nagpahayag din ang mga ASEAN leader ng pangamba sa mataas at mabilis na pagtaas ng lebel ng mga basura sa karagatan partikular ang mga marine litter at inaasahan na magdudulot ng negatibong epekto sa marine biodiversity, ecosystems, animal well-being, fisheries, maritime transport, recreation and tourism, local societies and economies, at ang agarang pangangailagan upang mapalakas ang kaalaman sa lebel at epekto ng microplastics at nanoplastics sa marine ecosystem, food safety at kalusugan ng tao.

Nangako rin ang mga ito para sa paghikayat ng “integrated land-to-sea approach to prevent and reduce marine debris,” kung saan kabilang ang mas mahigpit na batas at mga regulasyon.

Ayon sa mga ASEAN leaders, dapat din umanong palakasin ang inter-sectoral coordination sa pagitan ng ASEAN sectoral bodies upang higit na matugunan ang “multi-dimensional and far-reaching negative effects as well as sources of marine debris pollution.”

Nagpahayag din sila para sa pangangailangan sa isang multi-stakeholder coordination and cooperation, at implementasyon ng joint actions at partnerships.

Gayunman, dahil limitado lamang ang kayang gawin ng mga pamahalaan, sinabi ng mga ASEAN leaders na isusulong ang private sector engagement at investment upang maiwasan at mabawasan ang mga dumi ng karagatan, kabilang ang pakikipagtulungan sa publiko at pribadong sektor sa pamamagitan ng iba’t ibang mekanismo at insentibo.

Upang higit pang malabanan ang dumi sa karagatan, kinakailangan ding umanong isulong ang inobatibong solusyon, at kabilang dito ang pagbabawas, muling paggamit at pagre-recycle ng plastic.

PNA