Labing-isang estudyante sa high school ang nasugatan nang gumuho ang isang covered court na nagsisilbing silid-aralan ng mga ito sa Zamboanga City, kaninang umaga.

Sa paunang imbestigaston ng pulisya, kabilang sa mga nasugatan ay sina Mikyla Martinez, 14; Jenelyn Ebag, 15; Shaina Dela Cerna, 19; Reyselin Cruz, 16; Jubilee Soler, 15; Rica May Busmeon, 15; Mica Macaso, 16; Joy Mae Impen, 15; at Radzmea Jainal, 15, pawang Grade 9, pawang isinugod sa Labuan Public Hospital.
Sa salaysay ng section adviser ng mga estudyante sa Sinubong National High Scholl na si Sherley Fonollera, kasalukuyang silang nagkaklase nang bigla na lamang gumuho ang covered court, dakong 8:30 ng umaga.
Idinahilan naman nito, pansamantala lamang nilang ginamit ang lugar dahil sa malakas ang tulo ng kanilang silid-aralan.
Sinabi pa ng pulisya, kagagawa lamang ng naturang covered court nitong nakaraang taon at ginastusan umano ito ng P4 milyon. Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay ng insidente.
-Nonoy E. Lacson at Fer Taboy