Kung may mahihiling man si Richard Dichoso ngayong Father’s Day, iyon ay ang tuluyang gumaling ang kanyang 21-araw na baby boy mula sa severe pneumonia.

Isinilang si Stephen Rhys nitong Mayo 27 at na-diagnose na may severe pneumonia matapos na isugod ni Richard at ng asawa niyang si Louve Jean, ang kanilang baby sa Sorsogon Doctors Hospital nang hindi makakain ang bata at magbago ang kulay nito.
“Nung ipinanganak siya, okey naman. Matulugin siya at lagi ngang nagdedede. Kaya lang nitong mga nakalipas na araw, bigla siyang umiyak nang umiyak at nangitim na, kaya dinala namin siya sa ospital,” kuwento ni Richard.
Dahil sa karamdaman, ipinayo ng mga doktor na dalhin sa Maynila si Stephen para sa mas maayos na gamutan.
“Andito po siya ngayon sa ICU sa Philippine Children's Medical Center (PCMC) in Quezon City, dahil po inoobserbahan. Nasa kritikal po siya na kundisyon,” sabi ni Richard.
Pamamasada ng tricycle ang tanging trabaho ni Richard, habang wala namang hanapbuhay ang kanyang misis.
“Ayaw po namin na mawala siya. ‘Yan lang ang wish ko ngayong Father's Day. Sana matulungan kami sa pambili ng gamot, sa ospital at kahit ano po. Kahit grocery, kasi walang wala po kami,” panawagan pa ng ama.
Naniniwala naman si Louve Jean na matapang na lumalaban ang kanyang anak.
“Iyak na nga ako nang iyak. Naaawa ako sa kanya. Ilang beses na siyang nangitim, pero lumalaban talaga siya. Bilang ina, nararamdaman ko na gusting-gusto niyang mabuhay,” sabi ni Louve Jean.
“Malaki ang tiwala ko na gagaling siya. Sa Diyos ako umaasa at naniniwala akong pagagalingin siya ni Lord,” dagdag niya.
Nagpapasalamat naman ang mag-asawa sa lahat ng tumulong sa kanilang anak sa ospital at sa pagdadala sa kanila sa Maynila.
“Hindi pa po namin alam kung kelan kami lalabas. Sa ngayon nakabantay kami kay baby,” sabi ni Richard.
“‘Di na muna namin iniisip ‘yung pambayad, dahil mas iniisip namin ‘yung kaligtasan ng bata. Pero hihingi po kami ng tulong sa inyo, kahit maliit o malaki man. Kahit ano, ngayon pa lang nagpapasalamat na kami. Gustung-gusto lang po namin na gumaling na si baby,” pakiusap pa ni Richard.
-Niño N. Luces