Pang-iinsulto sa Pilipinas ang pagtanggi ng China sa sinasabing “hit-and-run” incident ng Chinese vessel sa bangka ng 22 mangingisdang Pinoy sa Recto Bank kamakailan.

Sen. Panfilo Lacson

Sen. Panfilo Lacson

Ito ang reaksyon ni Senator Panfilo Lacson at sinabing sinadya ang insidente nang abandonahin ng mga tripulante ng Chinese vessel ang 22 na mangingisdang Pinoy upang sila ay mamatay sa laot.

Sa inilabas na pahayag ng China, pinalibutan umano ng pito o walong mangingisdang Pinoy ang barko ng mga Intsik at dahil sa takot na sila ay atakehin ay napilitan umano ang mga ito na lisanin ang lugar.

Probinsya

4 na mangingisda, natagpuan matapos ilang araw mawala sa katubigan ng Occidental Mindoro

Sinabi ni Lacson, ang pahayag ng China ay salungat sa report ng militar ng Pilipinas na ang mga mangingisdang Pinoy ay sinagip ng isang Vietnamese vessel.

"It doesn't make sense, parang nakakainsulto sa intelligence ng mga Filipino 'yung kanilang pinapalabas na explanation,” pagdidiin ni Lacson.

"Gumawa muna sila ng maayos na script kung sila man ay walang plano na ilahad 'yong buong katotohanan. Gumawa sila ng script na kapani-paniwala, at hindi 'yong parang iniinsulto nila tayo na tayong mga Filipino ay mga bobo,’ ayon pa sa kanya.

Tiniyak naman kahapon ng Malakanyang na gagawa ng kaukulang hakbang si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay nangyaring insidente.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sinagot lamang nila ang hinaing ng publiko kaugnay ng pananahimik ng pangulo sa insidente.

Lulan ng nasabing fishing boat ang nasabing mga Pinoy nang banggain ito ng barkong ng China bago sila tuluyang abandonahin sa karagatan.

Nasagip lamang ang mga nasabing mangingisda nang dumaan ang isang Vietnamese vessel.

Sa panayam, sinabi ni Panelo na suportado ng pangulo ang inilabas na pahayag ng Malakanyang, Department of National Defense (DND) at Department Foreign Affairs (DFA).

Sinabi rin nito na kinakailangan nang kumilos ng bansa kaugnay ng “barbaric” at "uncivilized" act ng mga tripulante ng Chinese vessel nang pabayaan ng mga ito ang mga mangisPilipino sa karagatan.

"The President will undertake measure that is appropriate for the incident. Depende kasi ‘yan kung anong magiging response ng Chinese government sa ating diplomatic protest,” sabi nito.

"Maging maingat sila sa kanilang ginagawang pangingisda sa lugar na iyon at ipaalam kaagad sa atin kung anuman ang unusual na nakikita nila na maaring magkaroon ng kalakaran kung saan ang kanilang kaligtasan ay malalagay sa alanganin,” abiso naman nito sa mga mangingisdang Pinoy.

Kaugnay nito, iminungkahi naman ng dating House Speaker at outgoing Quezon City Representative na si Feliciano Belmonte, Jr. na dapat nang magkaroon ng kasunduan ang Pilipinas at ng Vietnam at iba pang claimant countries, upang matalakay ang pagpupumilit ng China na masakop ang West Philippine Sea.

"The territorial dispute, we already won the Hague decision but not recognized by China. Obviously we cannot do much militarily so we should ally with those countries having the same issues with China like Vietnam," sabi nito.

Tinukoy nito ang pagkakabangga ng nasabing Chinese vessel sa F/B Gim-ver hanggang sa ito ay lumubog.

Binatikos naman ni Anakpawis party-list Rep. Ariel “Ka Ayik” Casilao ang administrasyon dahil sa pagiging ‘malambot’ nito sa China.

“President Duterte should always keep in mind, that this is a serious crime, an attempted mass killing of Filipino fishermen by a foreign invader, and his non-condemnation or silence is abandonment and treachery,” sabi nito.

Argyll Cyrus B. Geducos, Vanne Elainne P. Terrazola, at

Charissa M. Luci-Atienza