Nag-alok ng P1-milyon pabuya ang mister ng kinatay na ginang sa makapagbibigay ng impormasyon sa responsable sa pamamaslang, na nangyari sa loob ng kanilang bahay sa Parañaque City, nitong Martes.
Upang matigil umano ang pagdududa sa kanya, nagtungo ngayong Sabado sa Parañaque City Police si Noel Torres y Suelto, nasa hustong gulang, para sumailalim sa finger printing nang tukuyin siyang isa sa mga persons of interest sa pagpatay kay Cristina Escaña Torres, 29.
Bukod kay Torres, inihayag ni Maj. Fernando Carlos, officer-in-charge ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), na umabot sa 48 construction workers sa construction site sa likod ng bahay ng mag-asawang Torres, na boluntaryo ring sumailalim sa finger printing, ang isinailalim sa imbestigasyon.
Itinuturing din na persons of interest ang dalawang katiwala ng mag-asawang Torres.
Matatandaang natagpuan ni Noel ang bangkay ni Cristina sa sahig ng kanilang guest room sa Saint Jude Street, Multinational Village, Barangay Moonwalk, Parañaque City nitong Hunyo 11, bandang 4:30 ng hapon.
Sa inisyal na ulat, may mga sugat sa ulo ang biktima dulot ng matigas na bagay at mahigit 100 saksak sa katawan.
Nawawala rin ang cell phone ng biktima, na nagkakahalaga ng P66,000; P2,000 cash; at mga alahas, na aabot sa P30,000.
Samantala, napag-alaman ng awtoridad na inireklamo ng ginang ang kanyang mister dahil sa umano’y pananakit noong nakaraang taon.
Bella Gamotea