GOING international na naman ang isa sa mga pelikula ng direktor ng Past, Present, Perfect, na napapanood sa iWant TV, na si Dwein Baltazar, na excited para sa pelikula niyang Oda sa Wala, na kalahok sa 54th Karlovy Vary International Film Festival (KVIFF) ngayong taon.
Ang Oda sa Wala ang kaisa-isang Pinoy film na lalaban sa nasabing prestihiyosong film festival ngayong taon.
Nagsimula noong 1946, ang KVIFF ang pinakamalaking film festival sa Czech Republic, ang nangungunang film event sa Central at Eastern Europe, at isa sa longest-running film festivals sa mundo. Nasa iisang kategorya rin ang KVIFF, Cannes, Berlin, Venice, San Sebastian, Moscow, Montreal, Shanghai, at Tokyo bilang mga pinaka-prestihiyosong film festival sa buong mundo.
“Isang mahalagang achievement sa Philippine cinema ang pag-compete ng ‘Oda sa Wala’ sa isa sa top-tier film festivals sa mundo. Maliban sa ito ang bukod-tanging competing Filipino film sa Karlovy Vary ngayong taon, si Dwein Baltazar din ang kauna-unahang Filipino female director na lalaban sa isang A-list film festival sa Europe. Bilang isang Filipino at isang babae, dapat nating i-celebrate ang ganitong representation sa film industry,” pahayag ni Ms Liza Diño, chairperson, ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng producer na si Bianca Balbuena ang magandang balita at inalala niya ang pakikipag-usap niya sa Festival Director ng KVIFF na si Karel Och tungkol sa Oda sa Wala.
“Karel messaged me, ‘We are intrigued by the film and can imagine it on the list of candidates for the Main Competition to be discussed in April. But it is simply too early for us to make the decision now.’ So I closed my eyes and jumped the cliff. I said no to the other fests and decided to wait. I knew the blame will be on me if KVIFF ends up not choosing it and we missed our big chances. But I took the risk because I know that Dwein gave her heart and soul to this film and it is quite special and she deserves nothing less.”
May repeat appearance si Dwein Baltazar sa KVIFF ngayong taon. Noong 2012, ipinalabas ang kanyang debut feature film na Mamay Umeng sa iba’t ibang major international film festivals, kasama na rito ang KVIFF.
Magkakaroon ng North American premiere ang Oda sa Wala at lalaban ito sa Camera Lucida section ng Fantasia Film Festival sa Montreal, Quebec, sa Hulyo 11-Agosto 1, 2019.
Ang 54th edition ng Karlovy Vary International Film Festival ay gaganapin sa Hunyo 28-Hulyo 6, 2019 sa Karlovy Vary sa Czech Republic.
-REGGEE BONOAN