Nanganganib na masibak sa serbisyo ang isang pulis nang masabat sa kanya ang P170,000 halaga ng iligal na gamot sa naganap na buy-bust operation sa Sitio Caimito, Barangay Basak Pardo, Cebu City, kahapon.

Ayon kay Major Regino Maramag, hepe ng Pardo Police Station (PPS) sa nasabing lungsod, nasa kustodiya na nila si Corporal Rogelio Atillo, nakatalaga sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Labangon Police Station.
Sinabi ni Maramag, nakatanggap sila ng ulat kaugnay ng pagkakasangkot ni Atillo sa bentahan ng droga sa lungsod at sa karatig-lugar.
Dahil dito, nagsagawa ng anti-drug operation ang grupo ni Maramag na nagresulta sa pagkakaaresto ni Atillo.
Nakumpiska kay Atillo ang 25 na gramo ng illegal drugs, service firearm nito na Glock 17 pistol at P27,000 na marked money.
Nahaharap ngayon si Atillo sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
-Fer Taboy