Pinagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng PhilHealth kasunod ng kontrobersiyal na “ghost dialysis” scandal na kinakaharap nito.

LUMANTAD Sumuko ngayong Lunes sa NBI sa Ermita, Maynila, si Bryan Sy, isa sa mga may-ari ng WellMed Dialysis Center. (ALI VICOY)

LUMANTAD Sumuko ngayong Lunes sa NBI sa Ermita, Maynila, si Bryan Sy, isa sa mga may-ari ng WellMed Dialysis Center. (ALI VICOY)

Pinaharap ng Pangulo ngayong Lunes ng hapon ang mga opisyal ng PhilHealth para sa isang pulong, na nilahukan din ng mga kinatawan ng Department of Health (DoH).

Sa press briefing, sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na nanawagan ang Presidente na magbitiw na lang sa pamamahala ang ilang opisyal ng PhilHealth, dahil nais nitong balasahin ang pamunuan ng ahensiya laban sa kurapsiyon.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Kinumpirma ito ni Senator-elect Bong Go sa ipinatawag niyang press conference sa Malacañang Complex, sinabing nitong Sabado ng gabi pa iniutos ni Duterte na magsumite ng kanilang resignation letter ang mga opisyal.

Ayon kay Go, bagaman naniniwala ang Pangulo na walang kinalaman sa nangyayaring iregularidad ang officer-in-charge ng PhilHealth na si Dr. Roy Ferrer, kasama rin ito sa pinagsusumite ng resignation letter, sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility.

Una nang sinabi ni Panelo na malabong sibakin ng Presidente ang sinumang board member ng PhilHealth.

Sa isang panayam sa Davao City nitong Sabado, idinepensa ni Duterte si Ferrer sa kontrobersiya, at sinabing naniniwala siyang walang kinalaman ang opisyal sa fraudulent claims.

“Hindi natin alam ang mangyayari, nasa presidente lahat 'yan. But given that he's publicly acknowledged his trust in the [PhilHealth] president, I don't think there will be [sacking],” ani Panelo.

“Kung magkakasabay sila [na na-appoint], siguro, magkakasama silang... may tiwala ang Presidente, unless one or two or some of them have been involved,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Duterte nitong weekend na tinitingnan na niya ang posibilidad na ilang taga-gobyerno ang posibleng sangkot sa fraudulent claims, partikular ng WellMed Dialysis and Laboratory Center, na sumisingil pa umano kahit para sa mga pasyenteng patay na.

“If there is any connivance, it would be doon sa baba. But let's wait for the investigation,” ani Panelo.

Sinabi niyang posible pa rin ang balasahan sa PhilHealth.

“Depende siguro sa report ng PhilHealth board, kung anong kailangang reorganization,” aniya. “He (Duterte) certainly wants to clean up the alleged irregularities in the PhilHealth.”

Samantala, ipinasasapubliko ni DoH Secretary Francsico Duque III sa mga opisyal ng PhilHealth ang listahan at pasilidad na may pekeng reimbursement claim, kasabay ng paggamit ng WellMed Dialysis Center sa ghost dialysis patients para makakubra ng claims sa PhilHealth.

Ayon kay Duque, dapat na maging transparent ang PhilHealth sa gitna ng nasabing usapin.

-Beth Camia at Argyll Cyrus Geducos