MAIKOKONSIDERA ang buwan ng Hunyo bilang buwan ng kasaysayan at pamana ng Cavite kung saan tatlong mahahalagang okasyon ang isinasagawa at dinadayo ng mga lokal at banyagang turista para masaksihan kung bakit kinilala ang lalawigan ng Cavite bilang “Historical Capital of the Philippines”.

Libu-libong Caviteños, kabilang ang mga mula Metro Manila, ang inaasahang dadayo sa bayan ng Kawit sa Hunyo 12 para sa ika-121 selebrasyon ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas.

Idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa bayan ng Kawit ang kasarinlan at kalayaan ng bansa mula sa pananakop ng mga Espansyol noong Hunyo 12, 1898, sa harap ng maraming Pilipino sa kanyang tahanan, kilala ngayon bilang ang makasaysayang Aguinaldo Shrine – isang National Shrine of the Philippines.

Isang pambansang kaganapan at isa sa mga regular na holiday sa bansa, ang kaganapang ito ay pagunita sa makasaysayang okasyon nang opisyal na iwagayway ang Pambansang Watawat ng Pilipinas, na tinahi sa Hong Kong ni Marcela Agoncillo, kasabay ng pagtugtog ng Philippine National March sa unang pagkakataon.

Nagtakda na ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), katuwang ag probinsiyal na pamahalaan ng Cavite, munisipalidad ng Kawit at ng mga tourism offices, ng mga aktibidad para sa pormal na pagdiriwang at mga kaugnay nitong gawain.

Magpapatuloy ang saya sa probinsiya sa pagdiriwang ng taunang “Regada” Festival mula Hunyo 15 hanggang 22, kung saan nakikisaya ang lahat para sa pista, at karanasan nilang makukuha.

Ang Regada Water Festival ng Cavite City, na nagsimula noong 1996 at ngayo’y taunang nang isinasabuhay, ay kasabay sa pista ni St. John the Baptist; na markado ng street dancing at parade, fun games, at tampok ang pinakainaabangang basaan ng tubig.

Nakatakda ring ipagdiwang ng Bacoor City, ang “Marching Band Capital of the Philippines”, ang ika-7 anibersaryo ng lungsod na may inihandang mga serye ng aktibidad kabilang ang “Grandest Marching Band Parade (from Bacoor Elementary School to Niog St) at Show Competition (Strike Revilla Gymnasium) noong Hunyo 22.

Ang probinsiya ng Cavite ay kilala sa kasaysayan bilang tahanan ng unang pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas at lugar kung saan idineklara ang kalayaan ng bansa.

Ayon sa Cavite’s Tourism and Cultural Affairs Office sentro rin ang probinsiya ng maraming pag-aaklas, tagumpay at makasaysayang kaganapan na ginugunita taun-taon upang ipaalala sa mga tao, lalo na sa mga kabataan ang “our forefather’s gallantry and extreme love for country which led to the country’s freedom which we all enjoy today.”

PNA