Sa takot na maaresto at makasuhan, ipinasya ng anak ng isang namayapang dating sundalo na isuko ang 16 na baril, na magkakaiba ang kalibre at pawang hindi lisensiyado, ng kanyang ama sa Pasay City Police, nitong Huwebes ng gabi.

Kabilang sa mga isinuko at iniharap sa media ni Col. Bernard Yang ,hepe ng pulisya, ang apat na rifle, tatlong caliber .45 pistol, tatlong .22 caliber revolver, at mahigit 1,500 bala ng mga baril.
Ayon sa ulat ni Yang, unang nakipag-ugnayan sa pulisya ang anak ng dating sundalo, na hindi na binanggit ang pangalan, para isuko ang mga koleksiyong baril ng yumaong ama, na nakasilid sa isang metal tool case at ibinaon sa kanilang bahay sa Maricaban, Pasay City.
Sinabi ni Yang na ilan sa mga baril na isinuko ay expired na ang lisensiya at maaaring i-renew kung nanaisin ng pamilya.
Nabatid na noong Disyembre 2019 namayapa ang dating sundalo, na may ranggong colonel nang magretiro sa militar.
Napag-alaman din na nagsimulang mangolekta ng mga baril ang nasabing yumaong sundalo noong 2006.
Nakatakdang iturn-over ang mga baril sa tanggapan ng Firearms and Explosives Division sa Camp Crame, Quezon City, at isasailalim sa ballistic test upang madetermina kung nagamit sa krimen.
-Bella Gamotea